Mga respondents sa reklamong adultery
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 19, 2021
Dear Chief Acosta,
Nais ng kaibigan ko na kasuhan ang kanyang asawa dahil mayroon itong kinakasamang ibang lalaki. Dapat ba na parehong ang asawa niyang babae at ang lalaki nito ang kakasuhan o iyong asawa lamang niya dahil sila lang naman ang kasal sa isa’t isa? – Kaitie
Dear Kaitie,
Ang mga partido sa kasunduan ng kasal ay mayroong obligasyon na manatiling tapat sa isa’t isa. Ang paglabag sa obligasyong ito ay hindi lamang paglabag sa sibil na aspeto ng kanilang kasunduan, bagkus ay maaari ring makonsidera na paglabag sa ating batas kriminal kung mapatunayang ang babae na mayroon nang asawa ay nakikiapid at mayroong seksuwal na relasyon sa lalaking alam na siya ay kasal na. Para sa kaalaman ng lahat, ang partikular na batas na nakasasaklaw nito ay ang Article 333 ng Revised Penal Code of the Philippines (RPC), viz:
“Adultery is committed by any married woman who shall have sexual intercourse with a man not her husband and by the man who has carnal knowledge of her knowing her to be married, even if the marriage be subsequently declared void. x x x” (Binigyang-diin)
Kaugnay nito, maaaring maghain ng reklamong adultery ang iyong kaibigan laban sa kanyang asawang babae, at kinakailangang isasama niya sa kanyang reklamo ang lalaki na kinakasama ng kanyang asawa kung ito ay buhay pa. Malinaw na nakasaad sa RPC ang sumusunod:
“Art. 344. Prosecution of the crimes of adultery, concubinage, seduction, abduction, rape and acts of lasciviousness. — The crimes of adultery x x x shall not be prosecuted except upon a complaint filed by the offended spouse.
The offended party cannot institute criminal prosecution without including both the guilty parties, if they are both alive, nor, in any case, if he shall have consented or pardoned the offenders.
x x x” (Binigyang-diin)
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments