Mga pulitikong may political dynasty, nagkakampi-kampihan na
- BULGAR
- Apr 25
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 25, 2025

NAGKAKAMPI-KAMPIHAN NA ANG MGA PULITIKONG MAY POLITICAL DYNASTY -- Kapuna-puna na ang mga kumakandidato sa pagka-senador na may political dynasty ay nagpapaendorso sa mga gobernador na may political dynasty din.
Iyan ang sistema ng pulitika sa ‘Pinas, na ang mga pulitikong may mga political dynasty ay mga nagkakampi-kampihan na, buset!
XXX
SABLAY ANG PABIDA NG MALACANANG SA P20 PER KILO NG BIGAS -- Sablay ang pabida ng Malacanang na magbebenta na raw ng P20 per kilo ng bigas ang Marcos administration bilang pagtupad daw sa pangako ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at ang P20 per kilo ng bigas ay uumpisahan daw munang ibenta sa Visayas region.
Dahil sa Visayas region nga lang ibebenta ang P20 per kilong bigas ay pinutakti na naman nang batikos si PBBM kasi dapat daw ay sa buong bansa o nationwide magbenta ng P20 per kilo ng bigas kasi ang mga taga-Luzon at Mindanao ay kumakain din naman ng kanin, boom!
XXX
PARANG SINABI NI VP SARA NA AFTER NG ELECTION, WALA NA RIN SA MERKADO ANG P20/KILO NG BIGAS -- Tahasang sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na ang pagbebenta raw ng P20 per kilong bigas sa Visayas region ay pampulitika lang umano ng Marcos administration para raw maiangat ang kandidatura ng mga ‘manok’ ni PBBM sa pagka-senador.
Kumbaga, parang sinabi na rin ni VP Sara na after election, wala na uli sa merkado ang P20 per kilong bigas, balik na naman sa dating mahal na presyo ang per kilo ng bigas, period!
XXX
MASAKIT SA PAMILYA DUTERTE ANG PAG-ENDORSO NI SEN. PADILLA SA ISA SA ‘MANOK’ NI PBBM SA PAGKA-SENADOR -- Masakit para sa pamilya Duterte ang pag-endorso ni Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP) President, Sen. Robin Padilla sa kandidatura ni Sen. Francis Tolentino dahil ang senador na ito (Tolentino) ay kandidato sa pagka-senador ni PBBM.
Hay naku, nakalimutan na yata ni Sen. Padilla na ang gobyerno ni PBBM ang nag-aprub na arestuhin at ipakulong si ex-P-Duterte sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands kaya ang isa sa ‘manok’ ng Marcos admin sa pagka-senador na si Tolentino ay iniendorso niya ang kandidatura for senator, tsk!
Comments