Mga pulis na makikisawsaw sa pulitika, parurusahan
- BULGAR

- Sep 24, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Sep. 24, 2024

Dapat na maging neutral at huwag hayaan ang sarili na maimpluwensyahan o magamit ng mga pulitiko.
Ito ang naging paalala ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil sa lahat ng kapulisan, at mahigpit na nagbabala sa mga opisyal na iwasan ang pakikibahagi sa partisan politics habang nagsisimula nang palakasin ang mga hakbang sa seguridad para sa 2025 elections.
Ayon kay Marbil, inatasan ang PNP na protektahan ang demokratikong proseso, at hindi para lumahok dito o kaya naman ay makialam.
Aniya, tungkulin nilang tiyakin na ang proseso ng halalan ay mananatiling mapayapa, maayos, at ligtas. Dapat tandaan ng bawat pulis ang kanilang sinumpaan na paglingkuran ang mga mamamayan at bayan, hindi ang mga pulitiko.
Binigyang-diin ng PNP chief ang responsibilidad ng kapulisan na ipatupad ang batas at itaguyod ang kaayusan nang walang anumang pagkiling o pinapanigan. Sinumang opisyal na mapatunayang sangkot sa mga partisan activity o nagkompromiso sa integridad ng police force ay kanilang papanagutin.
Iginiit din ni Marbil na hindi siya mag-aatubiling parusahan ang sinumang mahuhuling nagpapaimpluwensya o nagpapagamit sa mga pulitiko na mahigpit na ipinagbabawal ng batas. Anumang anyo ng panghihimasok sa pulitika, direkta man o hindi ay mabilis nilang tutugunan at aaksyunan.
Ipinag-utos naman niya sa kapulisan na paigtingin pa ang kanilang pagbabantay para maiwasan ang anumang krimen na may kinalaman sa eleksyon.
Nararapat lamang na ipakita ng ating kapulisan ang kanilang dedikasyon sa trabaho nang sa gayon ay mapanatili ang tiwala ng publiko sa kanilang hanay.
May mangilan-ngilan kasi sa ating mga pulis ang nagagawa pa ring kumiling sa mga pulitiko lalo na kapag may magagandang ipinapangako para sa kanila at sa pamilya.
Kumbaga, naeengganyo at nadadala sila sa mga pangako ng pulitiko na napakahusay talagang magsalita.
Kaya naman sa ating kapulisan, pakaisiping mabuti ang inyong gagawin, huwag sanang payagan ang sariling magamit lamang sa ganitong klase ng gawain dahil kapag napatunayang sangkot siguradong may parusang naghihintay.
Panatilihin sana ang pagiging tapat sa serbisyo at laging alalahanin na ang inyong tungkulin ay paglikuran ang ating bayan at mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments