top of page

Mga pulis, ‘di lang pisikal, mental at emosyonal, handa dapat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 22
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 22, 2025



Boses by Ryan Sison

Hindi lang pisikal na lakas ang kailangan para maging pulis, mahalaga na mayroon ding matinong pag-iisip. Pero paano kung mismong alagad ng batas ang nagpapakita ng hindi tamang asal?


Matapos ang kontrobersyal na galit na ipinakita ng isang patrolman sa kanyang vlog kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, muling nabuksan ang usapin tungkol sa mental fitness ng mga law enforcer.


Dahil dito, hinimok ng mga lider ng Kamara ang Philippine National Police (PNP) na patibayin ang psychological screening ng mga pulis bago sila bigyan ng tsapa at baril. Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, hindi lang lakas ng katawan ang dapat suriin sa mga bagitong pulis kundi pati ang kanilang mental at emosyonal na kalagayan.


Sumang-ayon din dito ang ibang miyembro ng House of Representatives at sinabing kailangang palakasin ng PNP, National Police Commission (Napolcom) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang recruitment process para matiyak na hindi lang matatag sa pisikal na training ang mga otoridad kundi kaya rin nilang dalhin ang bigat ng kanilang sinumpaang tungkulin.


Malinaw sa Code of Ethical Standards for Public Officials and Employees na bawal sa mga pulis ang pagiging partisan o ang pakikialam sa pulitika. Dapat silang manatiling tapat sa kanilang mandato na protektahan ang batas hindi ang kanilang personal na paniniwala.


Sa kaso ng vlogger na pulis, hindi lang simpleng opinyon ang kanyang ipinahayag kundi isang banta na maaaring makaapekto sa kredibilidad ng PNP. Kaya’t tama lang na magsagawa ng imbestigasyon at siguraduhing ang mga taong may hawak ng armas ay may sapat na disiplina, katalinuhan, at kontrol sa kanilang emosyon. Dahil sa insidenteng ito, lumitaw ang isang mahalagang tanong. Ilan pa kayang pulis ang may hawak ng baril pero hindi handa sa bigat ng responsibilidad? Ilan pa kaya ang maaaring magpakita ng ganitong pag-uugali na, sa halip magpatupad ng batas ay nagiging banta sa seguridad ng publiko?


Sana ay masuri ito nang maayos ng ating kapulisan upang matiyak na ang bawat alagad ng batas ay may sapat na mental at emosyonal na kalagayan bago sila bigyan ng kapangyarihan.


Sa madaling salita, hindi inaabot ng topak, handang magserbisyo at tapat na lingkod-bayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page