top of page

Mga programang may pakinabang, dapat maramdaman ng taumbayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 29
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 29, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Bilang Vice Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, kaisa ng buong sambayanan ang inyong Senator Kuya Bong Go sa hangaring matukoy ang puno’t dulo ng malawakang problema sa pagbabaha. Ngayong nabubunyag ang mga anomalya sa flood control projects ng pamahalaan, kasama tayo sa panawagan ng publiko na dapat managot ang lahat ng sangkot.  


Let us hold them responsible for all this mess! Ipatawag natin ang dapat ipatawag at imbestigahan ang dapat imbestigahan nang walang pinipili. Sa laki ng pondong sinisilip ngayon, maraming Pilipino na sana ang napakain, napagamot, nabigyan ng bahay, at naiahon sa hirap kung ginamit ito sa tama.  


Nakakainsulto sa sambayanang Pilipino na habang may bilyun-bilyong pisong pondo para sa flood control, lubog pa rin sa baha ang maraming komunidad. Pati ospital at mga pasilidad na dapat takbuhan ng tao sa oras ng emergency, nadadamay pa. Malaking problema na nga ng marami ang pambayad sa ospital at pambili ng gamot, idagdag pa rito ang kanilang buwis na ginamit sa mga proyektong hindi naman nila direktang maramdaman o mapakinabangan.


Isa sa mga mabuting gawing prayoridad ay ang pagpapatayo ng mandatory evacuation centers sa lahat ng mga siyudad at munisipalidad, alinsunod sa Republic Act No. 12076 o ang “Ligtas Pinoy Centers Act” para may masisilungan ang ating mga evacuees. Ipinaglaban natin bilang principal author at co-sponsor ang batas na ito dahil gusto nating mapangalagaan ang kaligtasan, kalusugan, at dignidad hindi lang ng mga nabahaan kundi pati na mga nasunugan, mga apektado ng lindol, at iba pang kalamidad.


Bilang senador, suportado natin ang local development sa lahat ng sulok ng bansa sa pamamagitan ng imprastraktura. Pero dapat hindi ito nahahaluan ng kalokohan at hindi nagiging gatasan ng pondo ng taumbayan.


Kung walang mapapanagot sa kabila ng mga imbestigasyon, mas mabuti pang tanggalin na lang ang budget sa flood control sa susunod na taon at ilipat sa mas makabuluhang programa — kabilang na ang kalusugan. Bilang inyong senador, babantayan natin ito para ipaglaban ang kapakanan ng kapwa natin Pilipino. Hindi ako titigil sa pagtatrabaho at paghahatid ng serbisyo sa abot ng aking makakaya. 


Noong August 20, personal tayong nagtungo sa Lungsod ng Muntinlupa upang tumulong sa 238 na biktima ng sunog mula sa iba’t ibang barangay. Nakatanggap sila ng mga materyales na makatutulong sa kanilang pagbangon at muling pagtatayo ng kanilang mga tahanan, sa pamamagitan ng programa ng national government na ating sinusuportahan.


Dumalo rin tayo sa ginanap na relief activity sa Barangay Putatan Covered Court

kasama sina Mayor Ruffy Biazon, Vice Mayor Phanie Teves, Chairman Luvi Constantino ng Brgy. Cupang, Chairwoman Tintin Abas ng Brgy. Alabang, at Chairman Gerry Teves ng Brgy. Putatan.


Kasama si Konsehal Dr. Raquel Gabriel Velasco, bumisita rin tayo sa Barangay San Dionisio sa Lungsod ng Parañaque noong August 21 upang tulungan ang 119 pamilya na naapektuhan ng sunog. Doon ay nakilala natin si Lanie Labsan, isang Person with Disability (PWD), na kabilang sa mga naapektuhan. Nagpasalamat si Labsan at ang kanyang pamilya dahil nakinabang siya sa Malasakit Centers program sa Las Piñas City General Hospital.


Inimbitahan din tayo sa Philippine Association of Medical Technologists, Inc. (PAMET) 17th Mindanao Regional Conference Opening Ceremony sa Lungsod ng Davao noong August 22 kasama sina PAMET National President Luella Vertucio at Davao Chapter President Bea Lao.


Pagkatapos nito, tumulong naman tayo sa 126 na biktima ng sunog sa Lungsod ng Davao, kung saan nakasama namin sina Konsehal Diosdado Mahipus Jr. at Richlyn “Cheche” Justol, Barangay Leon Garcia Captain Lita Empis, at Barangay Agdao Proper Captain Rodolfo Cagatin.


Anumang tulong na puwede nating gawin ay gawin na natin ngayon dahil minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Bilang inyong Mr. Malasakit, bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page