top of page

Mga programa para sa mga mahihirap, prayoridad natin sa 20th Congress

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 3
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 3, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Ngayong opisyal nang nagsimula ang 20th Congress, umasa kayo na patuloy na isusulong ng inyong Senator Kuya Bong Go ang ating nasimulan, upang mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa kapwa natin Pilipino lalo na sa mahihirap.


Nitong nakaraang 19th Congress, katuwang ang mga kapwa ko mambabatas, ay ipinaglaban natin ang mga batas at programa para maging abot-kaya ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan. Bagama’t tagumpay nating naisulong ang ilang mahahalagang reporma sa PhilHealth at sa Universal Health Care (UHC) Law, malayo pa tayo sa full implementation nito. Hindi pa tapos ang ating trabaho para ibaba ang gastusin ng mga pasyenteng Pilipino.


Patuloy nating tututukan ang ipinapatupad na ngayong 50% increase sa PhilHealth benefit packages, gayundin ang expanded benefits para sa top 10 mortality rate cases gaya ng heart diseases, diabetes, respiratory illnesses, at hypertensive diseases. Dahil din sa ating walang tigil na pagbabantay, ipinatigil na ang luma, hindi makatarungan, at anti-poor na mga patakaran ng PhilHealth tulad ng Single Period of Confinement Policy, 24-hour confinement policy, at ang 45-day benefit limit. Lagi nating paalala, ang pondo ng PhilHealth ay pera ng taumbayan kaya’y dapat lang na ibalik sa kanila sa pamamagitan ng maayos na medical benefits at services.


Kasunod ng ating mga pagdinig sa Senado, ilan pang reporma ang ipinatupad ng PhilHealth at sinusuportahan natin: ang expanded o mas pinataas pang kidney transplant benefit package; ang dinagdagang suporta sa dialysis patients, kabilang na ngayon ang pagpapalaboratoryo at maintenance medicines; at ang pinalawak na benefit package para sa atake sa puso, na malaki rin ang itinaas.


Bilang inyong kinatawan sa Senado, magtatrabaho ako para maisulong ang marami pang health initiatives. Sa katunayan, sa unang araw ng 20th Congress ay 10 prayoridad na panukalang batas ang ating inihain.


Ipaglalaban natin na maisabatas ang mahahalagang panukala gaya ng pag-institutionalize ng PhilHealth ID Cards para maging panatag ang kalooban ng mahihirap nating kababayan na may maaasahan silang medical benefits; pagtatag ng mental health offices sa state universities and colleges; at modernisasyon ng legal framework na nangangasiwa sa propesyon ng ating Medical Technologists.


Sa sports sector, isusulong natin ang regionalization ng National Academy of Sports para sa mga atleta mula sa Visayas at Mindanao.


Isinumite rin natin ang Expanded Tertiary Education Subsidy Bill na kung maisasabatas ay mas maraming estudyante ang makaka-avail ng libreng higher education.


Pagsisikapan din nating maipasa ang mga panukala na layong itatag ang Department of Disaster Resilience para mapabilis ang paghahanda at aksyon sa oras ng kalamidad; pagtataas sa daily minimum wage ng manggagawa sa pribadong sektor nang P100 kada araw across the board; ang Indigent Jobseekers Assistance Bill para magkaloob ng libre o discounted fees para sa job requirements; pagsasabatas ng Magna Carta for Barangays para mapagkalooban ang barangay officials ng katulad na benepisyo at pribelihiyong natatanggap ng regular na kawani ng gobyerno; at ma-institutionalize ang rural employment assistance para magkaloob ng pansamantalang trabaho.


Kasama ang mga kapwa ko mambabatas sa 20th Congress, isusulong natin ang mga batas at programa na tunay na mapapakinabangan ng kapwa natin Pilipino.

Samantala, dumalo tayo noong June 24 sa National Fire Training Institute (NFTI) Fire Officer Basic Course (FOBC) 2025-36 Class “Pagsilak” Graduating Ceremony sa paanyaya ni F/SSupt. Christine Doctor Cula sa Calamba City, Laguna.


Sinaksihan natin noong June 26 ang inagurasyon ng Batangas Provincial Medical Complex sa Tuy, Batangas kasama si Gov. Dodo Mandanas. Nagtungo rin tayo sa Bacoor City, Cavite para sa inagurasyon ng itinayong Super Health Center kasama sina Congresswoman Lani Revilla, Mayor Strike Revilla at Vice Mayor Rowena Mendiola.

Nasa Davao City tayo noong June 27 at sinaksihan ang Public Safety Officers Advance Course (PSOAC) “Lex Aegis” Class of 2024-32 graduation na may 58 nagtapos.


Dumalo rin tayo sa inaugural ceremony ng mga bagong halal na lokal na opisyal kabilang si Vice Mayor-elect Sebastian Duterte at mga konsehal mula sa 1st, 2nd and 3rd districts ng lungsod. Sinaksihan din ito nina Vice President Inday Sara Duterte, Ms. Elizabeth Zimmerman Duterte, Congressman Omar Duterte at Councilor Rigo Duterte.

Personal tayong naghatid ng tulong noong June 28 sa 58 residenteng biktima ng insidente ng sunog sa Barangay Baclaran, Parañaque City katuwang si Barangay Captain Jun Zaide.


Bilang Chairperson din ng Senate Committee on Sports ay lumahok at nakiisa tayo sa ginanap na Still Got Game 50&Up event nitong June 29 sa Mandaluyong City.


Samantala, ipinadala ko ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa para maghatid ng tulong. Agad naalalayan ang 66 na biktima ng insidente ng sunog sa Cebu City, at 248 sa Talisay City sa probinsya ng Cebu; at 36 sa Sampaloc, Manila.

Nabigyan ng karagdagang tulong ang dalawang pamilyang naging biktima ng buhawi sa Surallah at Lake Sebu, South Cotabato; at 57 sa Kabacan at Makilala, North Cotabato.


Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa national government.


Sinaksihan ng aking tanggapan ang inagurasyon ng Super Health Center sa Calapan City, Oriental Mindoro kasama si Mayor Marilou Morillo; ang League of the Municipalities of the Philippines Bohol Chapter Term-End Assessment sa Parañaque City kasama si Mayor Ian Mendez; at ang Tulong Dunong Program distribution and orientation para sa 58 scholars ng STI College-Cainta Campus.


Muli, nagpapasalamat ang inyong Mr. Malasakit para sa pagkakataong ipagpatuloy ang ating pagseserbisyo. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page