top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mga positibo sa COVID-19, tumatakas sa NCR tungo sa mga lalawigan

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 8, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 08, 2021



Dobleng paghihigpit pa ang nararapat na ipatupad ng mga awtoridad sa mga checkpoints na inilatag sa mga boundaries ng National Capital Region (NCR) kabilang na ang Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna o ang NCR Plus bubble.


Ito ay dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 at umaapaw na ang mga pagamutang maaaring pagdalhan sa mga pasyenteng biktima ng naturang virus at nauuwi na sa kamatayan.


Hindi maiaalis na may ilan tayong kababayan na sinasamantala ang pandemyang ito para lamang kumita ng pera at kabilang na ang ilang may-ari ng sasakyan na bumibiyahe ng colorum patungong probinsiya.


Alam naman nating mahigpit ang mga nakabantay sa mga pasukan patungong mga lalawigan, ngunit hindi maiaalis na makapag-isip ang ilan sa ating mga kababayan na posibleng may ilang operatiba na sumisistema dahil may mga nakalulusot kahit hindi naman maituturing na ‘essential’.


Marami ang nagdududa kung paano nakalulusot ang mga colorum na van sa mga checkpoint papasok ng probinsiya lalo na noong kasagsagan pa nang pagpapatupad ng travel documents na hindi man lamang hinahanapan ng kaukulang papeles ang mga sakay na pasahero.


Tuwang-tuwa naman ang mga pasahero dahil hindi na nga naman sila magbabayad ng mahigit P2,000 para sa swab test at karagdagang P1,000 para sa iba pang gastusin para hindi na pumila ng matagal sa swab test.


Ang mga tsuper ay naniningil ng P3, 000 hanggang P5, 000 kada pasahero depende kung saang probinsiya ang biyahe at sagot na nila ang lahat kabilang na ang mapayapa nilang ihahatid sa mga bahay-bahay ang pasahero mula NCR Plus.


Ayon sa ilang pasahero na nakaranas na sa ilegal na biyahe ay napakahaba umano ng pila sa mga checkpoint papasok ng lalawigan, ngunit kapansin-pansing iba ang linya na kanilang pinipilahan at mas mabilis ang kanilang proseso kumpara sa mga kasabay nilang pribadong sasakyan.


Sa katunayan, kamakailan lamang ay umabot sa 80 pasaherong lulan ng ilang colorum na sasakyan patungong Bicol Region mula sa NCR ang nasakote nang maghigpit ang Department of Transportation (DOTr) sa kanilang operasyon.


Ayon mismo sa DOTr, umabot sa 12 vans ang kanilang nasakote na bumibiyahe ng walang prangkisa o anumang kaukulang papeles at laking gulat umano nila nang umabot nga sa 80 pasahero ang positibo sa COVID-19 na agad nilang dinala sa quarantine area.


Isipin n’yo na lamang kung ang 80 pasaherong ito ay nakalusot patungong Bicol Region ay tiyak na maghahasik ng lagim ang mga ito at daan-dang kababayan pa natin ang mahahawa dahil lamang sa hindi pagsunod sa health protocol.


Ang pinag-uusapan natin ay ang dalawang araw na operasyon lamang na isinagawa ng DOTr, hindi pa kabilang ang mga nauna nang nakalusot o hindi pa natin matiyak kung sadyang pinalusot dahil base lang ito sa obserbasyon ng ilan sa ating mga kababayan.


Kaya kung magpapatuloy ang ganitong sistema ay hindi malayong sa mga susunod na linggo o buwan ay mas tumaas pa ang kaso ng COVID-19 sa ibang lalawigan dahil lang sa kalokohan ng ilan sa ating mga kababayan.


Pinatototohanan ito mismo ng Bicol Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na ang 80 indibidwal na lulan ng mga colorum na sasakyan mula NCR ay positibo sa nakamamatay na COVID-19.


Ang mga dispatcher pala ng illegal transport vehicle ay naghahanap ng pasahero gamit ang social media para sa online booking at kapag puno na ang sasakyan ay isa-isang sinusundo ang pasahero sa mga bahay kaya walang nakikitang terminal.


Mabuti nga’t nadiskubre ng DOTr ang ilegal na operasyong ito dahil kung hindi ay masisira ang ulo ng pamahalaan kung bakit kahit anong paghihigpit ang ipataw ay patuloy pa rin sa pagtaas ang kaso ng COVID-19.


Sana ay magtalaga ng mga mapagkakatiwalaang opisyal sa mga checkpoint at may kredibilidad na seryoso sa pagtupad ng tungkulin upang maipatupad ang tamang proseso nang paglabas-masok ng ating mga kababayan sa mga lugar na nais nilang puntahan.


Kung ang maghahatid nga ng mainit na lugaw sa isang checkpoint sa Bgy. Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan ay hindi pinalusot hanggang sa lumamig, tapos sa mga probinsiya ay walang kasing-init ang pagtanggap ng mga bantay sa pagdaan ng mga colorum na sasakyang may lulan pang positibo sa COVID-19.

Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page