top of page

Mga Pinoy sa India at Pakistan, dapat proteksyunan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 9
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 9, 2025



Boses by Ryan Sison

Kung lumalala na ang tensyon sa pagitan ng India at Pakistan, hindi ba’t panahon na para paghandaan at mas paigtingin ang proteksyon sa mga Pilipinong nasa mga bansang ito? 


Sa gitna ng lumalalim na alitan ng dalawang nuclear-armed countries, pinayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy sa India at Pakistan na maging mapagmatyag at doblehin ang pag-iingat. 


Bagama’t iniulat ng DFA na wala pang Pinoy na nadadamay o nasasaktan sa kaguluhan, hindi maikakaila na ang umiinit na tensyon ay posibleng mauwi sa mas malawak na gulo o giyera. Kaya naman patuloy ang masinsinang pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa mga embahada sa Islamabad at New Delhi upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan. 


Ayon kay DFA Spokesperson Teresita Daza, aktibo nilang mino-monitor ang sitwasyon at regular na nakikipag-ugnayan sa mga Filipino communities sa mga apektadong lugar. 

Dagdag pa niya, mariin ang panawagan ng DFA para sa mapayapang resolusyon ng mga isyu sa pagitan ng India at Pakistan. 


Gayundin, kahit wala pang naiulat na nasawi o nasaktan mula sa hanay ng mga Pinoy, hindi aniya ito dahilan upang magpakampante. 


Sa mga pinakahuling ulat, sinabi ng India na kanilang tinarget ang siyam na umano’y kampo ng mga teroristang grupong may koneksyon sa pag-atake sa mga Hindu tourists sa Indian Kashmir, na ikinasawi ng 26 katao. 


Tugon naman ng Pakistan, anim na lugar ang tinamaan ng airstrike ng India pero giit nila, wala roon ang mga kampo ng militar o terror bases na tinutukoy. 


Sa gitna ng pagbibintang at sagutan ng magkabilang panig, ang mga ordinaryong tao — kabilang na ang libu-libong overseas Filipino workers — ang unang posibleng maapektuhan kung lumala pa ang sitwasyon. 


Batay sa datos ng DFA, may 3,151 Pinoy sa Pakistan at 3,350 sa India. 

Sa ganang akin, kailangang umaksyon na agad ang gobyerno — hindi lang sa pagbibigay-babala kundi sa konkretong contingency plans. 


Hindi sapat na sabihing ligtas pa ang mga kababayan natin, dapat ay may malinaw nang plano kung sakaling lumala ang krisis. Kung tunay na mahalaga ang bawat buhay ng OFW, kailangang hindi tayo mahuli sa aksyon. Dahil sa digmaan, walang panig ang talo kundi ang mga inosente.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page