top of page

Mga Pinoy na inaresto sa Qatar, saklolohan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 30
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 30, 2025



Boses by Ryan Sison


Hindi na siguro mawawala sa mga Pilipino ang labis na pagsuporta sa kanilang mga lider kahit pa maging banta na ito sa kanilang buhay. 


Matapos na arestuhin ang maraming kababayan dahil sa pagdaraos ng sinasabing “unauthorized” political demonstration, nananatili pa rin ang nasa 19 Pinoy sa isang istasyon ng pulisya sa Qatar, batay sa Department of Foreign Affairs (DFA).


Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, nasa isang oras ang layo ng naturang police station kung saan dinala ang mga inarestong Pinoy mula sa kabisera ng Doha. Aniya, pinapunta na ang mga opisyal ng kagawaran sa naturang istasyon ng pulisya at kanila itong mino-monitor habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga kaganapan doon.


Matatandaang nitong Biyernes, kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Doha, Qatar na ilang mga Pinoy ang inaresto at ikinulong dahil sa pagsasagawa ng hindi awtorisadong political demonstrations.


Bagama’t hindi tinukoy ng embassy kung may kaugnayan ito sa malawakang mga protesta na inilunsad kasabay ng ika-80th kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni De Vega na posibleng ito ang dahilan kaya nag-rally ang mga naturang Pinoy.


Muli ring nagpaalala ang kalihim sa lahat ng Pilipino sa Qatar na irespeto ang batas ng naturang bansa at mga kaugalian hinggil sa mga mass demonstration at pagpapahayag ng mga hinaing sa pulitika. Sinabi pa ni De Vega na lahat ng klase ng political rally ay ipinagbabawal sa Qatar.


Tiniyak naman ng opisyal na tutulungan ng Embahada ng Pilipinas sa Qatar ang mga Pinoy na inaresto, kung saan aniya, palaging may mga abogado na nakaantabay doon para tuluyan na silang mapalaya.


Hindi dapat pabigla-bigla ang naging desisyon ng mga kababayang nasa ibang bansa, lalo na pagdating sa pagsasagawa ng mga rally o kilos-protesta dahil maaaring iba ang kultura roon at ang ipinatutupad na batas. Posibleng malagay lamang sa alanganin at mahirapan din ang ating embahada kapag nagkaroon ng problema. 


Kung nais nating maging maayos, ligtas at tahimik ang ating pagtatrabaho abroad, kailangang pag-aralan at alamin natin ang mga kaugaliang mayroon ang bansang pinuntahan. 


Gayundin, iwasan nating masangkot sa anumang kaguluhan o maasunto para hindi umabot sa puntong maaresto at makulong.


Alalahanin natin na nakikipagsapalaran lang tayo sa ibang bansa upang magkaroon ng mapagkakakitaan at mabigyan ng magandang buhay ang ating pamilya, kaya naman dapat pairalin natin ang paggalang sa lahat ng oras sa kanila batas nang sa gayon ay hindi tayo mapahamak.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page