Mga Pinoy na ilegal ang status sa US, ‘wag nang hintaying ipa-deport
- BULGAR
- Jan 27
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Jan. 27, 2025

Aminin man natin o hindi, sadyang nakababahala ang ipinapatupad ngayon na mass deportation order ni US President Donald Trump, kung saan mayroon nang nasampulan na mga kababayan.
Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, mahigit 20 Pinoy sa United States na umano’y nauugnay sa mga ilegal na aktibidad ang pinalayas sa naturang bansa bilang pagsunod na rin sa kautusan ni Trump.
Sa isang panayam, sinabi ni Romualdez na na-monitor nila ang humigit-kumulang 24 na mga Pilipinong na-deport na mula sa Amerika dahil sila ay sangkot sa ilang criminal activity, subalit aniya, hindi naman ang mga ito very serious crimes.
Nauna nang ipinahayag ng ambassador na ipaprayoridad ng US government ang deportation sa mga may criminal records, gayundin ang 1.3 milyong immigrants na naproseso na.
Pinayuhan din niya ang mga Pinoy sa Amerika na walang ‘anumang uri ng status’ na boluntaryong bumalik na sa Pilipinas o magsimulang ayusin ang kanilang mga dokumento.
Iginiit pa ng opisyal na huwag nang maghintay na ma-deport kapag sinimulan na ni Trump ang kanyang planong mass deportation.
Aniya, maraming Pilipino ang nagdesisyon na babalik na sa ‘Pinas dahil wala pa silang legal status sa US. Subalit, sinabi rin niya na ang mga Pinoy na legal na nagtatrabaho sa Amerika ay maaaring magkaroon ng pagkakataon na makuha ang sa kanila.
Binigyang-diin pa niya na ang mga ito ay may malaking pag-asa dahil naroroon na at nagtatrabaho, at nagbabayad ng buwis, kaya may mataas na tsansa na makakuha ng legal status, lalo na kapag sila ay inisponsoran ng kanilang mga employer.
Hindi na siguro dapat hintayin ng mga kababayan natin na nasa Amerika na umabot pang ipa-deport sila kung alam din naman nila na wala silang maayos na dokumento o ilegal ang kanilang status.
Mahirap makipagsapalaran sa naturang bansa lalo’t batid naman nating lahat ang kakaibang gobyerno nila na talagang napakahigpit. Baka sa halip na simple lang ang problema ay mas lumala ang kanilang sitwasyon doon.
Gayundin, para sa mga kababayang napasok sa ilegal na mga gawain, itigil na sana ang mga ‘yan at magdesisyon na lamang na umuwi na sa ating bansa dahil posibleng kayo ay makulong at maaaring iyan pa ang ikapapahamak.
Sa kinauukulan, sana ay tuparin ninyo ang nauna nang ipinangako na tutulungan ang mahigit 300,000 undocumented Filipinos sa Amerika na posibleng ma-deport. Ngayon ang tamang panahon para sila ay alalayan sa kanilang kinakaharap na problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments