top of page

Mga Pinoy crew na nasangkot sa drugs sa South Korea, saklolohan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 9
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 9, 2025



Boses by Ryan Sison

Mahirap ang pagiging isang overseas Filipino worker (OFW), saksi tayo sa hirap at sakripisyo ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa upang matustusan ang kanilang pamilya. Pero sa kabila ng lahat ng ito, may mga pagkakataon na ang OFWs, na dapat maging inspirasyon ay nahaharap sa malalang sitwasyon. Kaya nakakalungkot na minsan ay nasasangkot sila sa mga insidenteng hindi nila kontrolado, tulad ng mga kasong may kinalaman sa kalakalan ng droga.


Nito lamang linggo, iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na dalawang toneladang hinihinalang cocaine ang natagpuan sa isang barko na may Filipino crew.


Ang M/V Lunita, isang Norwegian-flagged cargo vessel, ay pinaniniwalaang naglalaman ng mga droga na nakatago sa engine room. 


Ayon sa ulat, ang barko ay may 20 Filipino crew members o Pinoy seafarers, kabilang ang kapitan at kasalukuyang iniimbestigahan kung paano nakapasok ang mga droga sa barko. 


Sa kabila ng pagsusumikap ng mga Pinoy crew na nagtatrabaho ng tapat, ang kanilang pangalan at buhay ay nahaharap ngayon sa isang hamon dulot ng pagkakasangkot sa ilegal na kalakalan ng droga. Batay din sa mga report, natanggap ang impormasyon mula sa US Federal Bureau of Investigation na nagbigay ng tip tungkol sa posibleng droga na nasa barko.


Nabatid ng mga otoridad na ang naturang barko ay mula Mexico, dumaan sa Ecuador, Panama, at China bago makarating sa South Korea. Gayunman, inaalam pa ng mga otoridad kung paano nakapasok ang droga sa barko at kung anong kinalaman ng bawat isa sa mga tauhan. 


Ang shipping company na nagmamay-ari ng barko ay nagsabi na hindi nila batid ang tunay na nangyari sa kanilang barko, ngunit nakipagtulungan na sila sa mga otoridad para masiyasat ang insidente. 


Sa ngayon, patuloy ang otoridad sa kanilang imbestigasyon habang tinutulungan na rin ng ating gobyerno ang mga Pinoy crew member, kabilang ang pagpapadala ng abogado upang tiyakin ang kanilang kaligtasan at makamtan nila ang hustisya.


Gayundin, ang mga naturang Pinoy ay kasalukuyang naka-lock-up sa South Korea. Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang DMW sa pamilya ng mga OFWs upang matulungan sa pangangailangan. Ang insidenteng ito ay itinuturing bilang isa sa pinakamalaking drug haul sa kasaysayan ng South Korea.


Isang paalala naman ang pangyayaring ito sa atin na kahit ang mga OFW, na nagtatrabaho nang marangal ay maaaring masangkot sa mga hindi inaasahan. Habang patuloy ang imbestigasyon, ipanalangin natin na sila ay inosente at makamit ang hustisya na nararapat para sa kanila.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page