Mga Pinay na nagiging surrogate mom abroad, sagipin
- BULGAR

- Oct 10, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 10, 2024

Nakalulungkot na malaman na may mga Pilipina na nasasangkot sa tinatawag na surrogacy scheme abroad.
Ayon sa Philippine Embassy sa Cambodia, mayroong 20 Pilipina ang dinala sa naturang bansa na pumasok sa surrogacy, ang nailigtas ng Cambodian National Police.
Batay sa Embahada, nasagip ang mga Pinay noong September 23 sa Kandal Province sa timog-silangang bahagi ng Cambodia. Sa 20 kababaihan, 13 ay nasa iba’t ibang stages na ng pagbubuntis at nanunuluyan ngayon sa isang lokal na ospital, habang ang pitong iba pa ay naghihintay ng kanilang repatriation.
Ang mga Pinay na ito ay ipinadala umano sa Cambodia upang maging mga surrogate mother. Gayunman, sila ay nailigtas ng Cambodian law enforcement authorities alinsunod na rin sa ipinatutupad na anti-human trafficking and sexual exploitation law ng naturang bansa.
Sinabi naman ng Embahada na binigyan na ng kaukulang suporta ang mga nasabing kababaihan, at binisita na rin ng mga Embassy official para sa assistance, kabilang na ang kanilang mga personal na pangangailangan at pre-natal.
Base sa mga naging panayam, ang 20 Pinay ay na-recruit online. Ang kanilang recruiter, na hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan at nationality, ang nag-ayos para sila ay maka-travel sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia, bago tuluyang ipadala sa Cambodia, kung saan ipinagbabawal na ang surrogacy.
Binigyang-diin naman ng Embahada na may mga sangkot na iba pang nationalities sa nasabing krimen, dahil ang mga Pinay ay nasa ilalim ng pangangalaga ng isang local “nanny”, kasama ang apat na iba pang kababaihan mula sa isang kalapit na bansa, noong panahon na iniligtas ang mga ito.
Tiniyak din ng Embahada na patuloy ang kanilang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga Cambodian authority para sa mabilis na pagresolba ng kasong ito, gayundin, maprotektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mga kababayang Pinay.
Masakit mang isipin ang katotohanan pero kailangan nating tanggapin na marami pala sa ating mga kababayang Pinay ang pinapasok na ang ganitong uri ng kalakaran sa ibang bansa magkaroon lamang ng ikabubuhay at pagkakakitaan.
Dala na rin ng kahirapan kaya nagagawa nila ito at kinakaya na maging mga surrogate mother. Marahil, naiisip nila na aalagaan sila habang nagbubuntis at pagkatapos ay babayaran din naman pagkapanganak nila.
Hiling lang natin sa kinauukulan na agad na maresolbahan ang problemang ito para wala nang Pinay na maging biktima pa ng surrogacy, habang patuloy ang gawin nilang pagsagip sa mga ito.
Dapat din sigurong magtulungan ang mga magkakaugnay na ahensya ng gobyerno at mas higpitan ang proseso nila ng pagpapadala ng mga kababayan sa iba’t ibang bansa.
Kumbaga, suriin nilang mabuti ang mga Pinoy na gustong mag-abroad bago tuluyang paalisin ng ‘Pinas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments