top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Mga pasaherong uuwi sa probinsya, ingat!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 31, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 31, 2024



Boses by Ryan Sison

Good news sa mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga lalawigan, lalo na sa mga operator at driver ng provincial buses ngayong ginugunita natin ang All Saints’ Day at All Souls’ Day. 


Pinapayagan na kasi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga provincial bus na dumaan sa EDSA 24/7 sa kasagsagan ng Undas break. 


Sa isang advisory ng MMDA, aprub na sa kanila ang passage o pagdaan ng mga bus sa EDSA mula October 29 hanggang alas-5 ng madaling-araw ng November 4 para ma-accommodate ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.


Ayon sa ahensya, ang mga provincial bus na magmumula sa north Luzon ay papayagang tumigil sa terminals sa Cubao, Quezon City. Habang ang mga naturang bus naman na manggagaling sa south Luzon ay makakabiyahe lamang hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Pasay.


Una rito, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi bababa sa 1,200 pampasaherong bus at utility vehicles ang nabigyan na ng special permit alinsunod sa Undas traffic. Ito ay bilang bahagi ng Oplan Undas 2024 ng MMDA.

Kaugnay nito, patuloy naman ang regular na operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).


Nais ng pamunuan ng MRT-3 na makapagserbisyo sa mga pasahero sa mga nasabing araw, kabilang ang mga magsisiuwian sa kanilang mga probinsya para sa Undas.


Ang unang biyahe ng tren ay aalis mula North Avenue Station ng alas-4:30 ng madaling-araw habang ang unang biyahe ng tren naman mula Taft Avenue Station ay aalis ng alas-5:05 ng madaling-araw.


At para sa huling biyahe ng tren mula North Avenue Station ay alas-9:30 ng gabi habang ang huling biyahe ng tren naman mula Taft Avenue Station ay alas-10:09 ng gabi.


Kinumpirma ito ng Department of Transportation (DOTr), kung saan mananatiling epektibo ang regular operations sa October 31 hanggang November 2.


Mabuti naman na magiging maganda ang pagbiyahe ng mga pasahero pauwi sa mga lalawigan dahil na rin sa mahusay na plano ng kinauukulang mga ahensya ng gobyerno.


Maagap ang ginawa nilang paghahanda para sa Undas, na batid naman natin na dahil ilang araw ang bakasyon ay hindi mapipigilan ang pagdagsa ng mga kababayan na nagnanais na dalawin ang mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay at makapiling din ang mga pamilya nila nasa mga probinsya man o sa lungsod. Kumbaga, may maayos naman pala na sistema na ipinatutupad pagdating sa ating transportasyon.


Hiling lang natin sa mga otoridad na mag-deploy ng maraming tauhan at itodo ang kanilang pagbabantay sa mga lansangan dahil tiyak na nagkalat na ang mga kawatan, na kung minsan sila iyong mga sumasampa sa mga bus at nagdedeklara ng holdap.


Kaawa-awa naman ang mga pasaherong walang kalaban-laban, pati na rin ang mga driver at konduktor. Dapat na mahuli agad ang mga ito at maparusahan para wala nang mabibiktima pa na mga kababayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page