top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Mga pasahero maging segurista, para ‘di mabiktima ng tanim-bala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 11, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 11, 2025



Boses by Ryan Sison

Muling nabuhay ang isyu ng tanim-bala na kadalasang nangyayari sa ating mga paliparan.


Isang 69-anyos na pasahero kasi ang nagreklamo dahil umano may naglagay ng bala sa kanyang bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Marso 6. 


Dahil dito, tatlong empleyado ng Office of Transportation Security (OTS) ang agad na sinibak sa puwesto ng Department of Transportation (DOTr). 


Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, bukod sa agarang pagtanggal sa mga sangkot na tauhan, magsasagawa rin sila ng malalimang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa mga ito. Binigyang-diin pa niya na hindi kukunsintihin ng kagawaran ang anumang pang-aabuso sa mga pasahero. 


Batay sa salaysay ng biktima, nakitaan umano ng anting-anting na hugis bala ang kanyang bagahe sa x-ray screening. Pero, nang aktuwal na inspeksyunin ito, wala namang nakitang bala. 


Lumalabas rin sa imbestigasyon na hindi nasunod ang tamang standard operating procedure (SOP) dahil hinabol pa ng mga security personnel ang pasahero sa boarding gate sa halip na gawin ang inspeksyon agad sa security checkpoint. 


Matatandaang naging kontrobersyal ang tanim-bala o TaLaBa (tanim-laglag bala) noong administrasyon ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III, na nauwi pa sa imbestigasyon ng Senado noong 2015. 


Nangako naman ang New NAIA Infra Corp. (NNIC), kasalukuyang operator ng NAIA, na paiigtingin nila ang seguridad at pananagutin ang mga tiwaling opisyal upang maiwasan ang ganitong insidente. 


Naulit na naman ang naturang modus at bumabalik ang ganyang uri ng panggigipit sa mga pasahero sa mga airport. Ang mga biyaherong inosente ay dumaranas ng takot at perhuwisyo na rin mula sa mga pasaway na opisyal na dapat ay nagbabantay sa kanilang seguridad. 


Kailangan siguro na magkaroon ng mas mahigpit na screening process, transparency sa security procedures, at matibay na proteksyon para sa mga pasahero laban sa pang-aabuso. 


Sa ganang akin, hindi sapat ang pagsibak lamang sa mga sangkot sa insidente, ang buong sistema ng seguridad sa paliparan at iba pang mga terminal ng transportasyon ay kailangang ayusin upang tuluyang matuldukan ang insidente ng tanim-bala.


Paalala rin sa mga kababayan, maging segurista tayo sa ating mga gamit lalo na kung tayo ay bibiyahe, at higit sa lahat huwag nating hayaan na maging biktima tayo ng ganitong pangyayari, dapat mag-ingat lagi.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page