ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 26, 2024
Basta’t para sa kapakanan ng mahihirap na Pilipino at tiyak na mapapakinabangan ng mga nangangailangan, suportado ng inyong Senator Kuya Bong Go ang mga programa at plano ng administrasyon.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong nakaraang Lunes, maraming nabanggit si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tugma sa ating mga hangarin at sa mga ipinatupad noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit ang mas aantabayanan ng taumbayan ay ang resulta ng mga ito at kung tunay bang mararamdaman ng mga karaniwang Pilipino.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, pinasalamatan natin ang Pangulo sa kanyang pangako na dadagdagan pa ang mga Super Health Centers sa buong bansa sa mga susunod na taon. Isa ito sa matagal na nating ipinaglalaban na mapondohan para mailapit ang pangunahing serbisyong medikal sa mga mahihirap at mga naninirahan sa mga liblib at malalayong lugar.
Kasama na riyan ang pagpaparami ng health facilities, pagpapalakas ng medical assistance programs na nasa loob ng Malasakit Centers na ating itinaguyod, pagpapataas ng benepisyo ng PhilHealth, at ang tamang implementasyon ng Regional Specialty Centers Act na ating pangunahing inisponsor at kasamang iniakda sa Senado. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino!
Suportado rin natin ang pagtaas sa coverage at benefits ng PhilHealth. Puwede naman palang madagdagan ang mga programa ng PhilHealth, kung tutuusin, para mas mabawasan ang bigat na dala ng mga mahihirap na pasyente. Sa kabila nito, muli nating iginigiit na dapat talaga ay magamit ang pera at mga programa sa tama. Ang pondo ng PhilHealth ay dapat para sa health. Ang pondong nakalaan para sa kalusugan ay dapat magamit para sa kalusugan.
Bilang chair naman ng Senate Sports Committee, inaasahan ko rin na higit pang maisusulong ang health-enhancing sports programs. Para sa akin, isa itong mahalagang aspeto sa ating patuloy na paglaban sa ilegal na droga. Dapat mahikayat ng gobyerno ang mga kabataan to get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit!
Kaisa rin tayo sa anunsyo ng Pangulo na total ban sa POGO operations sa buong bansa. Nararapat lamang na gawing prayoridad ang peace and order, at ang seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino.
Babantayan din natin ang iba pang pangako ng administrasyon tulad ng pagpapaigting sa suporta sa local agricultural production at pagtugon sa swine flu na talaga namang humahamon sa ating food security. Binanggit din niya ang pagpapagawa ng karagdagang irrigation systems, at ang pagpaparami pa ng mga KADIWA stores para ilapit sa mga tao ang abot-kayang pagkain. Napakaimportante para sa akin ang laman ng tiyan ng mga Pilipino.
Titingnan din natin ang gagawing pagtugon sa inflation, na ayon mismo sa Pangulo ay nagpapahirap sa mga mamamayan. Sana ay hindi ito tuluyang mapabayaan. Sa sektor ng paggawa, sana nga ay lalo pang maibaba ang unemployment rate sa bansa para matiyak na may sapat na kabuhayan ang mga karaniwang Pilipino.
Sa problema sa enerhiya, sana ay maremedyuhan ang pangangailangan ng mga lugar na wala pang kuryente at madalas mag-brownout.
Sa isyu ng West Philippine Sea, marapat lang na ipaglaban kung ano ang atin sa mapayapa at diplomatikong paraan. Ayaw natin ng gulo, but what is ours is ours. Ang importante ay maproteksyunan ang buhay at kabuhayan ng bawat mamamayan.
Ang pinakaimportante sa bawat SONA ay hindi lamang ang salitang binibitawan ng Pangulo, kundi ang aksyon na isusunod dito para maisakatuparan ang serbisyong naipapangako sa taumbayan. Nananawagan ako sa Ehekutibo na tiyaking prayoridad ang pagtulong sa mga mahihirap. Ang importante, walang maiiwan, walang magugutom na Pilipino!
Sa parte ko naman, wala tayong hinto sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan saan man sila sa bansa.
Binalikan natin at tinulungan noong July 20 ang 617 residente ng Sagay, Negros Occidental na biktima ng Bagyong Egay. Bukod dito, nakatanggap din sila ng tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili ang mga benepisyaryo ng materyales na pangkumpuni ng bahay. Nagbigay tayo ng tulong sa 23 kooperatiba mula sa Western Visayas na ating binisita sa Iloilo City, sa ilalim ng Malasakit sa Kooperatiba Program ng Cooperative Development Authority.
Noong July 23, dumalo ang aking opisina sa ginanap na Liga ng mga Barangay-Romblon Barangay Congress sa paanyaya ni Board Member Milo Maulion. Nagpadala rin ako ng mensahe para sa ating mga kapwa public servant.
Sinaksihan din ng aking opisina ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Poblacion Lakewood, Zamboanga Del Sur kasama si Mayor Domingo Mirrar. Nagbigay tayo ng karagdagang suporta sa mga kalahok sa isang Sports Cup sa Quezon City kaagapay si Councilor Mikey Belmonte.
Tuluy-tuloy naman ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong kabilang ang 947 na mahihirap sa Bongabon, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos; at 1,000 sa Naga at Ipil sa Zamboanga Sibugay kaagapay ang tanggapan nina Sen. Joel Villanueva at Gov. Ann Hofer.
Binalikan at tinulungan natin ang 230 biktima ng pagbaha sa Talisay City; at 177 sa Talisayan, Misamis Oriental. May tulong pinansyal din silang natanggap mula sa NHA upang maipaayos ang kanilang mga bahay, na isa sa ating mga inisyatiba noon.
Naghatid tayo ng tulong sa 131 katao mula sa iba’t ibang barangay sa Iloilo City na biktima ng sunog. Naalalayan din ang mga taga-Island Garden City of Samal na nakaranas ng matinding pagbuhos ng ulan kabilang ang 13 sa Barangay Dadatan, at 15 sa Barangay Balet.
Tinulungan natin ang 155 nawalan ng hanapbuhay sa Koronadal City, South Cotabato katuwang si Vice Gov. Arthur Dodo Pingoy. Sa ating suporta, nabigyan din ang mga ito ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Bilang inyong Mr. Malasakit, hindi ako titigil sa pagtupad sa tungkuling iniatang ninyo sa akin. Patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments