top of page

Mga paaralan, tiyaking laging ligtas at maayos ang mga mag-aaral

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 30
  • 3 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 30, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala at nakakagalit isipin na may mga insidente ng karahasan na nagaganap mismo sa loob ng paaralan — isang lugar na dapat ay ligtas at mapagkalinga para sa lahat ng mga mag-aaral. At paano na naman kung isa sa ating mga anak ang makaranas ng pananakit o kaya’y pambu-bully?


Sa isang desisyon na inilabas ng Korte Suprema noong Enero 20, 2025, idineklara nitong may pananagutang sibil ang isang eskwelahan sa Dagupan, Pangasinan dahil sa kapabayaan nitong tugunan ang insidente ng pananakit o sakitan sa loob ng silid-aralan. 


Ang kaso ay nag-ugat sa insidenteng naganap noon pang 2007 kung saan dalawang mag-aaral ang paulit-ulit na nanuntok sa kanilang kaklase habang nasa computer class.


Sa kasamaang-palad, wala ang guro noon sa silid-aralan dahil nasa comfort room.

Matapos isumbong ang pangyayari, hindi ito binigyan ng sapat na pansin ng paaralan. Sa halip na magsagawa ng imbestigasyon, itinuring lamang ito bilang lokohan o biruan ng mga bata. 


Ayon sa desisyon ng Korte Suprema na isinulat ni Associate Justice Mario Lopez, malinaw na lumabag ang iskul sa tungkulin nitong tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral. Batay pa sa SC, ang bawat magulang ay naglalagak ng tiwala sa isang institusyong pang-edukasyon sa paniniwalang mapoprotektahan nito ang kanilang anak. 


Sa kasong ito, nabigo ang paaralan na gampanan ang kanilang tungkulin, na dapat sana ay may kaakibat na pangangalaga tulad ng isang mabuting magulang ng tahanan.


Bilang resulta, pinagbabayad ang iskul ng P300,000 bilang moral damages, P200,000 para sa exemplary damages, at P150,000 attorney’s fees. Lahat ng ito ay papatawan pa ng anim na porsyentong interes kada taon hanggang sa ganap na mabayaran. 


Bagama’t ginamit ng Court of Appeals ang salitang “bullying,” nilinaw ng Korte Suprema na hindi ito dapat ituring sa legal na konteksto ng Anti-Bullying Act of 2013 dahil wala pa ito noong mangyari ang insidente. Sa halip, ang pagkakasala ay dapat intindihin bilang pang-aabuso o pananakit ng mas malakas laban sa mas mahina — isang malinaw na pagpapakita ng kawalan ng proteksyon para sa mga estudyanteng nasa loob ng paaralan.


Masakit isipin na sa loob ng isang institusyong dapat ay ligtas at mapagkalinga, ay may mga batang naaabuso at nababalewala. ‘Di sapat ang simpleng paliwanag na “biruan lang ‘yan” kapag may pisikal na pananakit na nangyayari. 


Sa ganang akin, hindi lang sila tagapagturo at tagahasa ng kaalaman, kundi tagapag-alaga rin sa pisikal at emosyonal na kaligtasan ng bawat bata. 


Mahalagang paalala ito para sa lahat ng institusyong pang-edukasyon — na hindi puwedeng balewalain ang kahit maliit na senyales ng pananakit. Kapag nabigo ang paaralan sa kanilang tungkulin na maging ligtas na lugar para sa mga mag-aaral, marahil sila rin ang dapat na managot. Ang desisyong ito ay hindi lang tagumpay para sa isang pamilya, kundi sa lahat ng magulang at mag-aaral na naghahangad ng makatao at ligtas na edukasyon. 


Magsilbi sanang babala ito sa mga paaralang padalus-dalos sa pag-dismiss ng mga seryosong reklamo. Gayundin, dapat na tiyaking safe at maayos ang kalagayan ng mga mag-aaral.  


Paalala lang sa lahat ng guro at administrador o pamunuan ng eskwelahan na ang tunay na edukasyon ay nagsisimula sa pagmamalasakit at pangangalaga sa lahat ng mag-aaral.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page