Mga negosyo, labis na apektado ng fake PWD IDs
- BULGAR

- Feb 7, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Feb. 7, 2025

Sadyang may ilan talaga sa atin ang nakakaisip pa na makapanlamang sa kapwa, kaya pati tuloy ang mga totoong nangangailangan ay naaapektuhan.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, labis silang nababahala sa pagdami ng mga pekeng persons with disability (PWD) identification cards na ginagamit para makakuha ng discount sa mga kainan at iba pang mga establisimyento.
Gayunman, inanunsyo ng kagawaran ang isinagawang pilot implementation ng unified identification card system o unified ID System ngayong taon para maiwasan ang lalong pang paglaganap ng naturang pekeng ID.
Matatandaang noong December ng nakaraang taon, napabalita ang pagkalugi ng gobyerno ng mahigit sa P88.2 billion taxes noong 2023 dahil sa mga pekeng PWD ID. Habang tinatayang 8.5 milyon ang illegitimate PWDs, samantalang 1.8 milyon lamang ang lehitimong PWDs.
Binalaan naman ng DSWD ang mga gumagawa o gumagamit ng pekeng PWD ID na sakaling mahuli, tiyak na mananagot ang mga ito sa batas.
Hinimok din ng kagawaran ang mamamayan na i-report ang mga indibidwal na nag-iisyu, nagbebenta at gumagamit ng fake PWD IDs sa National Council on Disability Affairs (NCDA) at Persons with Disability Affairs Office (PDAO) na nasa ilalim ng kanilang lokal na pamahalaan.
Maraming programa at serbisyo ang nakalaan para sa ating mga kababayang may mga kapansanan na dapat ay kanilang makamit. Kaya meron silang mga discount card o PWD ID upang gamitin sa kanilang mga pangangailangan.
Malaki kasi ang naitutulong ng PWD ID dahil sa mga diskuwentong nakukuha mula sa totoong presyo ng ilang bilihin, lalo na sa mga kainan.
Ang masaklap dito ay may mga pasaway na indibidwal na gumagawa at ginagamit ang PWD ID para lamang maka-discount sila sa mga pagkain, transportasyon, at iba pa.
Tuloy ang labis na naaapektuhan ay ang mga negosyo, na walang magawa kundi sumunod sa ipinatutupad na batas at bigyan ng discount ang mga ito kahit pa sa tingin nila ay hindi tunay na mga taong may kapansanan.
Isa pang apektado ay mismong mga kababayang PWD dahil madalas na sinasamantala ang kanilang mga ID at naaabuso.
Kaya sa ating mga kababayan, huwag tayong mag-atubiling isumbong ang mga indibidwal na gumagamit, nagbebenta at nag-iisyu ng pekeng PWD ID sa mga otoridad.
Kailangan nating tumulong upang hindi na dumami pa ang mga tulad nila.
Hiling naman natin sa kinauukulan na sana ay mag-isip ng paraan upang matigil na ang pagkalat ng mga fake PWD ID habang papanagutin ang lahat ng mga gumagawa ng ganitong klase ng panloloko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments