top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga nasa evacuation center nagkakasakit na, aksyunan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 30, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 30, 2024



Boses by Ryan Sison

Panibagong pasanin ang kinakaharap ng mga kababayan na hanggang ngayon ay nasa mga evacuation center matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine.


Dumarami na roon ang mga inuubo at sinisipon, ayon sa Department of Health (DOH). 

Sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na ang mga medical team sa mga evacuation center ay mino-monitor na rin ang sakit na acute respiratory infection lalo na sa mga bata, at hinihikayat silang magsuot ng face mask para mapababa ang transmission nito.


Aniya, ang mga sintomas na inoobserbahan nila sa mga naturang center ay ubo at sipon, habang ang acute respiratory infection ay talagang tumataas.


Paliwanag ng DOH chief, mabilis na kumalat ang nasabing sakit, kung saan isang bata lamang ang dalhin sa evacuation center, at kapag ito ay umubo, tiyak na hawa-hawa na.


Kaya naman napakahalaga aniya ang pagbabantay sa sitwasyon ng mga evacuees.

Ipinahayag pa ni Herbosa na mino-monitor na rin nila ang mga kaso ng diarrhea roon.


Ayon sa kanya, binibigyan nila ng water purification tablets ang mga pamilya upang matiyak na ang kanilang tubig ay ligtas na inumin. Gayundin, tinitingnan nilang mabuti ang mga inuming tubig dahil mahirap sa mga evacuation center, kung saan dapat mayroong potable o safe drinking water.


Una nang iniulat ng DOH nitong Linggo na ang mga kaso ng leptospirosis ay inaasahan din nilang tataas sa loob ng susunod na dalawang linggo matapos ang matinding pagbaha na dulot ni ‘Kristine’. Habang nanawagan naman ang kagawaran sa mga indibidwal na tumawid sa baha na agad na magtungo sa mga health center o kumonsulta sa mga doktor sa mga evacuation center para malaman kung kailangan nilang uminom ng antibiotics.


Ang incubation period ng leptospirosis, anang DOH, ay maaaring mula dalawa hanggang 30 araw, na kadalasang nagpapakita ng mga sintomas ng tinatayang isa hanggang dalawang linggo pagkatapos ng exposure sa kontaminadong tubig-baha. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pagsusuka, nausea o pagduduwal, pananakit ng kalamnan at pananakit ng ulo.


Hindi nga dapat nating balewalain ang sitwasyon ng mga kababayan nating nasa mga evacuation center.


Kung tutuusin, mas mahirap talaga ang kalagayan nila dahil siguradong wala silang maayos na tulog at pahinga, at ang iba sa kanila ay maaaring wala pang sapat na pagkain at inuming tubig at iba pang pangangailangan o kaya naman ay kulang pa ang naaabot nilang tulong at ibinibigay para sa kanila.


Kumbaga, sobrang pagtitiis ang kanilang nararanasan sa mga evacuation center na marahil, nagiging dahilan ng kanilang pagkakasakit, lalo na ang mga bata.


Kaya hiling natin sa kinauukulan na sana ay magawan nila agad ng paraan at maresolbahan ang problema, na wala nang mga kababayang mananatili sa evacuation center, at makauwi na rin sila sa kanilang mga tirahan para naman makapagpahinga nang maayos, makakain nang mabuti at maalagaan nang husto ang kanilang kalusugan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page