top of page
Search
BULGAR

Mga nararapat kasuhan ng adultery

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Sep. 27, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Nagpakasal kami ni Jen noong taong 2020. Noong una ay nasa bahay lang siya para alagaan ang aming anak. Ngunit nang magdalawang taon na ang aming anak ay nagpasya kaming kumuha na lang ng tagapag-alaga para makapagtrabaho si Jen. Nakakilala si Jen ng isang lalaki sa kumpanyang kanyang pinapasukan. Mayroong mga litrato na nagpapatunay na sila ay nagkaroon ng relasyon at dumating din sa puntong sila ay nagtalik kahit na alam ng lalaki na kasal na si Jen. Nais ko sanang kasuhan ng adultery ang lalaki na nakarelasyon ni Jen.  Nais ko lang malaman kung maaari bang ang kasuhan ko lang ay iyong lalaki at hindi madadamay ang aking asawa? — Alex


 

Dear Alex,


Ayon sa Article 333 ng ating Revised Penal Code, ang krimen ng Adultery ay nangyayari kung ang isang babaeng may asawa ay nakipagtalik sa isang lalaki maliban sa kanyang asawa. Ang kasong ito rin ay nagagawa ng isang lalaki na nakipagtalik sa isang babae na alam naman niyang may asawa na. Narito ang eksaktong pahayag ng batas: 


ARTICLE 333. Who are Guilty of Adultery. — Adultery is committed by any married woman who shall have sexual intercourse with a man not her husband and by the man who has carnal knowledge of her, knowing her to be married, even if the marriage be subsequently declared void.”


Ang maaaring magsampa ng kasong ito ay ang asawa ng babae na nakipagtalik sa ibang lalaki na hindi niya asawa. Malinaw itong nakasaad sa Article 344 ng ating Revised Penal Code: 


ARTICLE 344. Prosecution of the Crimes of Adultery, Concubinage, Seduction, Abduction, Rape and Acts of Lasciviousness. — The crimes of adultery and concubinage shall not be prosecuted except upon a complaint filed by the offended spouse.

 

The offended party cannot institute criminal prosecution without including both the guilty parties, if they are both alive, nor, in any case, if he shall have consented or pardoned the offenders.”


Samakatuwid, malinaw na nakasaad sa batas na kung ang asawang nasaktan ay magsasampa ng kasong Adultery, kailangang kasuhan niya ang lalaking nakipagtalik sa kanyang asawa, at maging ang kanyang asawa mismo. Hindi maaaring ang kasuhan lang ay ang lalaking nakipagtalik sa asawa ng iba. Dagdag pa rito, hindi dapat pumayag ang asawang nasaktan sa nasabing pangangaliwa at hindi rin niya pinatawad ang mga nagkasala. 


Para masagot ang iyong tanong, may karapatan kang magsampa ng kasong Adultery, ngunit hindi maaaring ang kasuhan mo lang ay ang lalaki na nakipagtalik sa iyong asawa. Kailangan mo ring kasuhan ang iyong asawa. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page