top of page

Mga nangongotong sa kalsada, dapat sibakin at parusahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 28
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | September 28, 2025



Boses by Ryan Sison


Matagal nang pasakit sa taumbayan ang katiwalian sa mga lansangan, kaya tama lang na sampolan ang mga namamayagpag na mga enforcer na mas marunong pa sa batas at mahusay talaga sa kotong. 


Ang ahensya na dapat nagbabantay sa trapiko at kaayusan sa kalsada ay hindi puwedeng pamugaran ng mga abusado at mandarambong. Unti-unting nawawala ang tiwala ng mga tao dahil sa mga tauhang imbes na maglingkod, panunuhol at pangingikil ang inaatupag. 


Ayon kay LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II, sinibak ang 68 enforcer matapos ang masusing performance evaluation, reklamo ng mga motorista, sumbong ng netizens, at ulat mula sa mga mystery agents na lihim na inatasan para subukan ang integridad ng kanilang mga tauhan. 


Ipinag-utos din niya ang konsolidasyon ng mga reklamo mula sa social media at iba’t ibang channels upang tiyakin na bawat hinaing ng mga kababayan ay may kasagutan. Hindi lang aniya basta sibak, kundi hakbang ito para linisin at gawing propesyonal ang enforcement team ng LTO. 


Sinabi pa ni Mendoza, personal na niyang pangangasiwaan ang hiring ng mga bagong enforcer upang masiguro na kuwalipikado, may malasakit at may integridad ang mga bagong recruit dahil hindi puwedeng bumalik ang mga dati nang masamang gawain.


Kung tutuusin, matagal nang sakit ng lipunan ang kotong sa kalsada. Ilang motorista na ang napilitang magbigay ng pang-kape para makaiwas sa multa kahit na hindi nila batid ang nagawang paglabag kaya hinuli, at ilan na ring tsuper ang nadahas ng mga enforcer na mas nagiging batas pa kaysa sa mismong ipinatutupad na batas.


Ngayong seryoso ang hakbang ng pamunuan ng LTO, dapat ipagpatuloy at palakasin ang ganitong klase ng reporma. Kailangang sibakin at parusahan ang mga opisyal at enforcer na nagtataksil sa tungkulin. Hindi sila mabuting kawani ng bayan kundi balakid sa kaayusan ng lipunan. 


Ang pagtanggal sa mga naturang enforcer ay malinaw na pagpapakita ng determinasyon ng paglaban sa katiwalian. At ang reporma sa LTO ay paalala na kaya naman palang maging maayos kung gugustuhin. 


Alalahanin din natin na hindi sapat ang puro pahayag at panawagan — kailangan ng aksyon at determinasyon upang tapusin ang korupsiyon sa ating bayan.


Sa panahon na halos lahat ng sektor ay sinisingil, binabantayan ng publiko sa kanilang integridad, ang ginawang ito ng kagawaran ay magandang ehemplo. Kung ang lahat ng lider ng ahensya ay may tapang at malasakit na katulad nito, posibleng magbago rin ang pananaw ng taumbayan, na hindi lahat ng institusyon ay bulok, at maaari pa ring pagkatiwalaan ng sambayanan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page