Mga nagtapos ng Junior at Senior High, TESDA, vocational, puwede na pumasok sa gobyerno
- BULGAR

- May 12
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 12, 2025

Marami sa mga nagtapos ng high school ang kadalasang hindi na nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo, dala na rin marahil ng kagustuhan ng iba sa kanila na makapagtrabaho para naman makatulong sa kanilang pamilya. Subalit, sapat na ba na patunay na kilalanin ang kakayahan ng mga kabataang nagtapos sa K to 12 program bilang karapat-dapat na maging bahagi ng ating pamahalaan?
Kamakailan lamang ay binuksan ng Civil Service Commission (CSC) ang mas malawak na oportunidad para sa mga Junior High Schools (JHS) at Senior High Schools (SHS) graduates sa pamamagitan ng CSC Resolution No. 2500229.
Layunin nitong iangkop ang kuwalipikasyon sa mga first-level positions sa gobyerno gaya ng clerical, custodial, trades, at craft jobs sa bagong sistema ng edukasyon sa bansa. Batay sa patakaran, ang mga nagtapos ng Grade 10 mula taong 2016 pataas, gayundin ang mga Grade 12 graduates sa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track, o ‘yung may kasamang TESDA NC II certificate, ay maaaring makapasok sa sub-professional na trabaho sa ating gobyerno.
Sa mga posisyong dating nangangailangan ng vocational training o dalawa hanggang tatlong taong kolehiyo, sapat na ngayon ang K-12 credentials bilang basehan ng aplikasyon. Patuloy din nilang kinikilala ang mga nagtataglay ng dating high school diploma.
Gayunman, nilinaw ng CSC na hindi lamang edukasyon ang kanilang tinitingnan. Kailangang makumpleto nila ang iba pang requirement tulad ng work experience, training, at higit sa lahat, civil service eligibility. Habang mananatili sa ahensyang nagha-hire ang huling desisyon kung sino ang kukunin para sa isang posisyon.
Sang-ayon naman ang Department of Education (DepEd) sa desisyon na ito ng CSC.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, malaking hakbanging ito na pagbibigay-halaga sa ating K-12 graduates, na sa loob ng ilang taon ay naihanda na para sa trabaho pero nanatiling limitado ang oportunidad sa serbisyo-publiko dahil sa mga lumang pamantayan. Aniya pa, ang pagbabago sa polisiya ay nagdudulot ng malinaw na mensahe — na may saysay at gamit sa totoong mundo ang ating basic education curriculum.
Ang ganitong reporma ay hindi lamang tungkol sa pagpapababa ng requirements para makapasok sa gobyerno ang mga bagong graduates, kundi sa pagbubukas ng pinto para sa mas inklusibong pamahalaan.
Marahil paraan ito para makita natin, ang kabataan bilang mahusay na tagapaglingkod-bayan — at hindi lamang bilang mga estudyanteng patuloy na naghahanap ng tsansa o oportunidad.
Sa ganitong pamantayan, nabibigyan sila ng pagkakataong ipakita ang kanilang kakayahan at galing, at magsimula ng makabuluhang karera sa loob ng gobyerno.
Ganito dapat ang tunay na saysay ng reporma — ang gawing makatarungan at abot-kamay ang pag-unlad para sa lahat, anuman ang antas ng edukasyong natapos.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments