Mga nagsauli ng kickback, ilantad at 'wag protektahan

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 31, 2026

DAPAT ISAPUBLIKO NG MARCOS ADMIN ANG PANGALAN NG MGA PULITIKO NA NAGSAULI NG KICKBACK – Umabot na sa higit P841 milyon ang naisauli umanong kickbacks mula sa flood control projects scam na kinasasangkutan ng ilang politicians at Department of Public Works and Highways (DPWH) officials. Ang kapalit umano ng pagbabalik ng perang ito ay ang hindi pagsasampa ng kaso laban sa kanila.
Kung totoo 'yan, dapat pangalanan ng Marcos administration ang mga nagsauli ng kickback, lalo na ang mga politicians, upang pagsapit ng 2028 elections ay maibasura ng mga botante ang kanilang kandidatura. Boom!
XXX
CONG. PULONG DUTERTE, DAPAT MAGHANDA KASI TILA ISA SIYA SA TATAMAAN SA IMBESTIGASYON NI DPWH SEC. DIZON SA UNFINISHED FLOOD CONTROL PROJECT – Matapos ang matinding pagbaha sa Davao City, nagtungo sa lungsod si DPWH Sec. Vince Dizon. Doon niya natuklasan na ang isa sa mga dahilan ng pagbaha ay isang flood control project na pinondohan pa noong 2019 ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos. Dahil dito, umuusok sa galit ang DPWH secretary at sinabi niyang paiimbestigahan niya ang proyekto dahil dapat may managot.
Dapat ihanda na ni Davao City 1st Dist. Rep. Paolo Duterte ang kanyang sarili sa imbestigasyon dahil posibleng madamay siya rito, lalo't ang hindi pa natatapos na flood control project ay nasa Brgy. Talomo Proper, na sakop ng kanyang distrito. Period!
XXX
KUNG HINDI KAYA NI DEPED SEC. SONNY ANGARA NA PIGILAN ANG MGA KARAHASAN SA ISKUL, RESIGN NA! – Palala nang palala ang mga karahasan sa mga eskwelahan. Ang pinakahuli ay ang ginawang pambubugbog ng dalawang menor-de-edad na high school students sa kanilang lalaking guro sa Maco, Davao de Oro.
Dati, mga kapwa estudyante lang ang biktima ng karahasan ng mga pasaway na estudyante, pero ngayon, pati mga guro ay sinasaktan na.
Kung hindi kayang mapigilan ni Department of Education (DepED) Secretary Sonny Angara ang mga nagaganap na karahasan sa mga eskwelahan, pinakamainam na magbitiw na siya sa puwesto. Boom!
XXX
SURVEY FIRMS, NAPAKAAGA PA PERO TILA GUSTO NANG KUMITA SA MGA KAKANDIDATO SA PAGKASENADOR – Isang taon pa lang ang nakalipas mula sa 2025 local elections, at hindi pa nagsisimula ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026, pero panay na ang paglalabas ng mga survey firm ng listahan ng mga senatoriables na pasok sa top 12 para sa May 2028 elections.
Tila napakaaga pa, pero parang gusto nang kumita ng mga survey firm kaya sunud-sunod ang paglalabas nila ng 2028 senatorial surveys bilang pagpapapansin sa mga re-electionist na senador at iba pang posibleng kumandidato sa Senado. Mga pwe!




Comments