Mga nagbebenta ng substandard LPG, lagot
- BULGAR
- Mar 15
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Mar. 15, 2025

Mahaharap sa mabigat na parusa ang sinumang magbebenta ng substandard at generic liquefied petroleum gas (LPG) cylinders.
Ito ang naging babala ng Department of Energy (DOE) sa mga manufacturer at retailer ng LPG.
Ayon kay DOE Director Rino Abad, ang penalty sa bawat paglabag sa pamantayan ay P25,000 para sa nagbebenta o manufacturer nito. Aniya, ang isang LPG tank na walang anumang brand marking ay papatawan ng P25,000 bawat isa. Habang hiwalay na violation ang pagkakaroon ng defective valve na may parusang P25,000 multa para sa bawat tangke.
Paliwanag ni Abad, ang mas matinding parusa na ito ay para protektahan ang mga konsyumer dahil ang mga substandard na LPG ay kadalasang humahantong sa mga sakuna gaya ng sunog na maaaring magdulot ng pagkawala ng buhay at ari-arian.
Hinikayat din ng kagawaran ang mga konsyumer na suriing mabuti ang kanilang mga tangke ng LPG at tingnan kung walang singaw o tagas upang matiyak ang kaligtasan.
Sinuportahan naman ng LPG Marketers Association (LPGMA) ang hangarin ng DOE na alisin ang mga generic at substandard na mga LPG cylinder sa merkado.
Ayon sa pangulo ng LPGMA, nasa tinatayang 45 milyong LPG cylinders mayroon sa bansa, humigit-kumulang 41 milyon ang na-reclassify o naayos at nasa 4 milyong substandard na tangke ang nagsi-circulate pa.
Gayundin, sa Visayas at Mindanao, nakumpiska ng mga otoridad ang milyun-milyong LPG canister, na ginagamit sa mga naturang rehiyon.
Mainam ang gagawing ito ng kinauukulan na tanggalin na sa mga pamilihan ang masasabi nating mga ‘pekeng’ LPG habang parusahan ang mga pasaway na seller, retailer at manufacturer nito.
Ang mga ganitong uri o tangke ng LPG na maliliit, generic o walang brand ay hindi sumailalim sa quality checking at nangangahulugan lamang na hindi ito sumunod sa ipinatutupad na pamantayan.
Kaya tama na pagmultahin ang mga violator, at kung maaari sana ay huwag na silang payagan pang makapagbenta nito kapag lumabag uli.
Paalala sa mga kababayan, isipin sana ang kahihinatnan kung patuloy sa hindi tamang gawain, ang magbenta ng mga substandard na LPG, sa halip na makatulong sa kapwa ay perhuwisyo ang maidudulot nito habang maraming buhay ang posibleng magbuwis dahil dito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments