top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Mga motorista, kamot-ulo na naman sa bagong toll rates ng NLEX Connector

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 15, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 15, 2024



Boses by Ryan Sison

Kapit lang para sa lahat ng mga motorista, dahil inaprubahan na ng Toll Regulatory Board (TRB) ang pagkolekta ng mga bagong toll rates sa NLEX Connector na epektibo ngayong October 15, 2024.


Sinabi ng TRB na ang naturang adjustment ay bahagi ng programa nila na stagger basis ang koleksyon sa pagbubukas ng NLEX Connector upang hindi mabigla ang lahat ng gumagamit ng expressway.


Batay sa kagawaran, ang mga bagong toll matrix para sa Class 1 na sasakyan (regular car at SUV) ay P119, Class 2 na sasakyan (bus at maliliit na truck) ay P299 at Class 3 na sasakyan, (malalaking truck) ay P418. 


Ayon sa regulatory agency, ang nasabing initial rates ay unang naipatupad noong 2023, apat na buwan matapos ang pagbubukas ng Caloocan hanggang España section noong March.


Ipinunto pa ng TRB na sa pagbubukas ng Section 2 mula España hanggang Magsaysay Boulevard noong October 2023 ay pinanatili ng NLEX Connector ang orihinal nitong discounted rate, na nagpapahintulot sa mga motorista na gumamit ng kahabaan nito sa loob ng halos isang taon nang walang anumang toll adjustment. 


Maipapatupad naman ang full rates kapag natapos na ang NLEX Connector Project.

Dahil sa bagong toll rates sa naturang expressway na iimplementa ng kinauukulan siguradong ang mga motorista ang tatamaan nito.


Kahit saan mo kasi tingnan ay apektado nang husto rito ang mga motorista, kung saan wala na ngang tigil ang pagsirit ng mga produktong petrolyo, sasabayan pa ng pagtaas sa toll rates ng NLEX Connector.


Kumbaga, panibagong kamot-ulo lang ang gagawin naman ng mga motorista. 

Batid natin ang hinaing ng pamunuan ng naturang expressway dahil matagal na rin naman ang kanilang ipinatutupad na toll rates, kaya siguro naglabas na rin sila ng bagong pagtaas ng toll rates.


Hiling lang natin sa kinauukulan na sana sa pagpapatupad ng bagong toll rates ay maging maayos ang daloy ng trapiko sa NLEX Connector, para naman kahit paano ay mabawi lang ito ng mga motorista habang maganda naman ang kanilang pagbiyahe.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page