ni Ryan Sison @Boses | August 10, 2024

Upang tugunan ang dumaraming kaso ng Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at iba pang banta laban sa mga menor-de-edad, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang paglikha ng Presidential Office for Child Protection (POCP).
Sa inilabas ni PBBM na Executive Order No. 67, nakasaad na ang POCP ay pamumunuan ng isang Presidential Adviser for Child Protection (PACP) na nasa ilalim ng kontrol at pangangasiwa o supervision ng Special Assistant to the President.
Gayunman, wala pang impormasyon mula sa Presidential Communications Office kung sino ang itatalaga para mamuno sa nasabing tanggapan.
Ang naturang opisina ay dapat na i-monitor at tumugma sa government thrusts, mga polisiya at programa para sa proteksyon ng mga bata at kanilang kapakanan, na may espesyal na pagtuon sa anti-OSAEC, anti-CSAEM (Anti-Child Sexual Abuse o Exploitation Materials), at mga usapin laban sa anti-child trafficking.
Ayon pa sa EO, ang POCP ay dapat na makipagtulungan sa Council for the Welfare of Children patungkol sa pagbabalangkas o pag-update ng National Plan of Action for Children.
Inatasan din itong i-monitor kung ang bansa ay sumusunod sa mga international legal instruments hinggil sa child protection.
Mabuti naman na kumilos at sinimulang tutukan ng ating gobyerno ang kalagayan ng mga bata laban sa anumang banta ng pang-aabuso at pagsasamantala.
Marahil, kung naging mas maagap pa sana ang pamahalaan ay hindi na dumami pa ang mga kaso ng OSAEC habang naresolbahan na rin ito kaagad.
Kaawa-awa kasi ang mga batang nagiging biktima, mapa-social media man o aktuwal na pang-aabuso, na halos masira na ang kanilang kinabukasan at talagang hirap na hirap silang makabangon.
Hiling lang natin na sana, kundi man agad matigil ay mabawasan na ang mga batang biktima ng online sexual abuse at exploitation, at makapamuhay sila nang maayos na may dignidad at puno ng pag-asa.
Sa kinauukulan, bukod sana sa paglikha ng naturang tanggapan para sa kapakanan at proteksyon ng mga bata, dapat na magtakda rin sila ng batas na magpapataw ng mabigat na parusa laban sa mga sangkot sa pang-aabuso at pananamantala sa mga bata, nang sa gayon ay hindi na dumami pa ang ganito kasamang gawain.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments