Mga mema, shut up daw! MARINA, DASAL ANG HINGI PARA KAY RICARDO
ni Nitz Miralles @Bida | October 11, 2023

Napanood namin ang TikTok ni Marina Benipayo, ang live-in partner ni Ricardo Cepeda, kung saan nanawagan ito ng prayers for Ricardo.
“No hate. Just prayers,” sabi ni Marina.
Nakiusap din ito sa mga magsusulat pa sa kaso na kinakaharap ng asawa at pati na sa mga content creators na maging fair naman at kung walang alam sa tunay na nangyari, ‘wag nang magsulat.
Ikinorek din nito ang nasulat o napanood sa vlog na dahil sa lifestyle nilang mag-asawa kaya may kaso ngayon si Ricardo.
“We live humbly, we live simply. Napakasimple ng buhay namin, hindi kami high maintenance, hindi nga kami nagbibiyahe. Ang road trip, malaking bagay na sa amin. We don’t have expensive clothes, maliit lang ang tirahan namin. Wala kaming investment dahil wala kaming pang-invest,” pahayag ni Marina.
Kilalang-kilala raw si Ricardo ng mga kaibigan nito at alam nila na hindi nito magagawa ang akusasyon sa kanya. Nag-aalala raw ang mga anak nila ni Ricardo at kahit pinayuhan sila na ‘wag nang magbasa o mag-social media, hindi nila magawa.
“Hindi nag-invest sa company ng kaibigan niya si Ricardo, hindi siya present sa mga meetings at hindi siya signatories, wala siyang pinirmahan. Libre ang pagiging brand ambassador niya dahil gusto lang niyang makatulong sa kanyang kaibigan, siya pa ang napahamak. Lesson learned sa amin ito. Never naming na-imagine na mangyayari ito sa kanya, lalo na at napakabait ni Ricardo,” ayon pa kay Marina.
Bago magtapos ang TikTok, muling nakiusap si Marina na tigilan na sana ang pagsusulat at pagko-comment ng hindi maganda. Inulit din nito ang paghingi ng prayers para kay Ricardo.





Comments