Mga mamamahayag, dapat tiyaking ligtas at may proteksyon
- BULGAR

- Aug 31
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 31, 2025

Ang usapin ng press freedom sa bansa ay hindi simpleng pangako na inuulit sa mga talumpati. Ito ay pang-araw-araw na laban na humihingi ng kongkretong aksyon, lalo na sa panahong laganap ang disinformation at pulitikal na panggigipit. Kaya naman muling tiniyak ng pamahalaan ang kanilang paninindigan para sa malayang pamamahayag sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng media.
Sa naganap na National Press Freedom Day Conference, binigyang-diin ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Jose Torres Jr. ang mga hakbangin ng gobyerno upang mapanatili ang kaligtasan at karapatan ng mga mamamahayag, partikular sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng digital media.
Sa naturang conference ay dumalo ang maraming media practitioner mula sa iba’t ibang organisasyon, pati mga mag-aaral mula naman sa iba’t ibang unibersidad. Isa sa mga pangunahing tinalakay ay ang kasalukuyang sitwasyon ng press freedom sa ating bansa, kasama ang mga banta at estratehiyang maaaring gamitin upang mapalakas ang malayang pamamahayag.
Ibinahagi rin ni Torres ang mga inisyatibong naisakatuparan ng administrasyon upang tugunan ang karahasan na nararanasan ng media, kabilang ang pagsusulong na kilalanin bilang election offense ang mga insidente ng pananakit o pananakot laban sa mga mamamahayag tuwing halalan.
Kasabay nito, nanawagan din ang Commission on Human Rights (CHR) para sa mas malalim na imbestigasyon sa mga umano’y paglabag sa press freedom, lalo na sa mga sensitibong panahon gaya ng eleksyon.
Gayunpaman, nananatili pa ring hamon ang imahe ng Pilipinas pagdating sa kalayaan ng pamamahayag. Matatandaang noong 2024 World Press Freedom Index, ang bansa ay nakapuwesto lamang sa ika-134, na inilalarawan bilang difficult o mahirap na lugar para sa mga journalist.
Ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi lamang sukatan ng demokrasya, kundi salamin ng antas ng respeto ng pamahalaan sa katotohanan at sa tinig ng mamamayan.
Bagama’t mahalaga ang mga pangako at pahayag, higit na kailangan ang kongkretong aksyon na nakikita at nararamdaman ng mismong mga mamamahayag.
Ang press freedom ay pundasyon ng pagkakaroon ng malayang lipunan. Kung ito’y bibitiwan, posibleng bumagsak ang haligi ng demokrasya.
Sakali mang hindi matupad ang mga ipinangako ng pamahalaan, marahil kailangan din silang managot patungkol dito.
Hindi sapat ang suporta, kailangang tiyakin na ang mga mamamahayag ay ligtas, may proteksyon, at hindi ginagawang target ng panggigipit. Kung dumating din sa puntong ang isang mamamahayag ay gustong busalan, sana’y handa siyang ipagtanggol ng ating pamahalaan.
Higit sa lahat, kung tunay na ninanais ng gobyerno na isulong ang press freedom, dapat nitong siguruhin na walang media ang kailanman matatakot na magsabi ng katotohanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments