Mga magulang, simulan nang mag-budget ng mga gamit pang-eskwela
- BULGAR
- 3 days ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 1, 2025

Sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 16, 2025 para sa school year 2025-2026, muling haharapin ng mga magulang ang taunang hamon ng pamimili ng school supplies at iba pang kagamitang pang-eskwela.
Kaya’t isang mahalagang hakbang ang ginawa ng Department of Trade and Industry (DTI) sa paglalabas ng bagong school supplies price guide upang matulungan ang mga mamimili sa kanilang pagba-budget. Gayunman, sapat na kaya itong tulong para makaginhawa sa pamilya para sa gastos sa darating na pasukan?
Ayon sa DTI, saklaw ng updated price list ang 195 stock keeping units (SKUs) mula sa 12 pangunahing produkto. Ikinatuwa ng kagawaran ang pagbaba ng halaga ng 29 na school items, kung saan ang bawas-presyo ay mula P1 hanggang P10. Partikular na bumaba ang presyo ng ilang notebooks mula P5-P10 ang bawas, ang pad paper ay mula P1-P6, at lapis na P5 ang ibinaba. Kaya naman ang bagong presyo ng mga notebook ay P15 hanggang P52, habang ang pad paper ay nasa P15 hanggang P48.75.
Ang lapis ay maaaring mabili sa halagang P11 hanggang P24. Sa kabilang banda, nananatili naman ang presyo ng mga ballpen sa P3-P33, erasers mula P4.50-P20, at sharpeners na P15-P69. Ang mga crayons, depende sa dami ng laman sa kahon, ay nasa P12 hanggang P114, habang ang rulers ay makukuha mula P16 hanggang P39.
Nagpaalala rin ang DTI sa publiko na maging mapanuri sa pagbili ng mga gamit na ito, tulad ng pagtingin sa labels, tamang bilang ng leaves sa notebooks at pad paper, at kalidad ng produkto.
Sa isang pahayag, sinabi ni DTI Secretary Cristina Roque na ang price guide ay patunay ng malasakit ng pamahalaan sa mga estudyante at magulang.
Aniya, ang bawat piso ay mahalaga para sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa panahon ng back-to-school. Ang naturang price guide ay isang pangako na sa ilalim ng administrasyong ito, walang maiiwan na mag-aaral. Nais din nilang ang bawat bata, anuman ang pinagmulan, ay humakbang patungo sa kanilang silid-aralan nang may pagmamalaki at kahandaan, at maramdaman ng bawat magulang na ang gobyerno ay kasama nila.
Hindi maikakaila na ang presyo ng mga gamit sa iskul ng mga estudyante ay may malaking epekto sa paghahanda ng mga pamilya sa pasukan.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilihin, kahit ang simpleng bawas-presyo ay nagbibigay sa kanila ng kaginhawaan. Ang pagkakaroon ng price guide ay maituturing natin na makataong inisyatibo, subalit mas malalim pa rin ang hamon nito — siguraduhin na hindi lamang abot-kaya ang presyo, kundi may kalidad at pangmatagalang gamit ang bawat produktong mabibili.
Sa ganitong paraan din ay natutulungan ang mga magulang, mag-aaral, at mga guro na mas maging handa para sa pasukan.
Alalahanin din sana natin na ang tunay na layunin ay hindi lamang makapagsimula ang bawat bata sa klase, kundi makapagtapos sila nang may dignidad at dekalidad na edukasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios