Mga magulang nasa trabaho... Edad 2, 4 at 7, patay sa sunog
- BULGAR

- 57 minutes ago
- 1 min read
ni Sarah Munoz (OJT) @News | September 5, 2026

Photo: BFP mandaluyong Circulated
Nasawi ang tatlong bata matapos masunog ang isang bahay sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City, Huwebes ng gabi, Setyembre 3.
Alas-7:30 ng gabi nang i-report ang sunog, na agad namang tinugunan ng mga bumbero kasama ang ilang residente.
Magkapatid na edad 2 at 4 ang hindi nakalabas sa kuwarto sa ikaapat na palapag ng bahay at kalaunan ay natagpuang wala nang buhay.
Samantala, nakalabas pa ng bahay ang 7-anyos nilang kamag-anak ngunit hindi rin nakaligtas matapos dalhin sa ospital.
Napag-alamang nasa trabaho ang mga magulang ng magkapatid na biktima.
Hindi na umabot sa mga katabing bahay ang apoy matapos itong maapula ng mga rumespondeng bumbero at tumulong na residente.
Tinatayang P200,000 ang halaga ng mga nasirang ari-arian dahil sa insidente.
Patuloy namang inaalam ng BFP kung saan nagsimula ang apoy at kung ano ang sanhi ng sunog.
Kasabay nito, nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang at guardian na huwag iwanang mag-isa ang maliliit na bata at ilayo sa maabot na mga bagay na madaling magliyab upang maiwasan ang mga katulad na insidente.





Comments