Mga magulang, ilayo ang mga anak sa masamang gawain
- BULGAR
- Feb 9
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Feb. 9, 2025

Nakababahala ang ilang report na marami sa mga kabataan ang pinapasok na rin ang mga ilegal na gawain, na kung minsan ay nasasangkot pa sa krimen.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nakasamsam sila ng mga high-powered na baril at bala mula sa isang 25-anyos na estudyante sa isang entrapment operation sa Makati City.
Sinabi ni NCRPO Chief Brig. Gen. Anthony Aberin na ang naturang estudyante, na mula sa Quezon City, ay kanilang naaresto sa isang parking lot sa Barangay Magallanes sa Makati noong Huwebes.
Ani Aberin, nakumpiska nila sa suspek na estudyante ang multiple high-powered firearms at mga accessory, kabilang ang isang 5.56 rifle model SLR-B15, isang cal. 5.7 Ruger pistol, dalawang 5.56 magazine, dalawang 5.7 magazine na kargado ng 40 rounds ng live ammunition, isang black rifle bag na ginamit sa transaksyon, isang black sling bag na naglalaman ng Ruger pistol, isang black inside holster para sa Ruger pistol, 40 rounds ng Cal. 5.7 live ammunition, cellphone, isang P1,000 bill bilang marked money, 2018 Toyota Corolla Altis, at iba’t ibang identification cards.
Paliwanag ng opisyal, nahuli ang suspek dahil sa ilegal na pagbebenta ng mga baril na labag sa Republic Act 7166 at Commission on Elections (Comelec) Resolution 11067, kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang tinatawag na unauthorized firearm transactions sa panahon ng eleksyon.
Sa naganap na operasyon, kinuwestiyon ng mga pulis ang suspek tungkol sa mga legal document na nagpapahintulot sa pagbebenta ng mga baril o exemption ng Comelec, subalit nabigo itong magpakita ng mga balidong credential.
Ang suspek na estudyante ay nasa kustodiya na ng Southern Police District-Special Operation Unit para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaso.
Ayon pa kay Aberin, ang forensic analysis ng mga nakumpiskang baril ay isinasagawa upang matukoy ang anumang kaugnayan sa mga nakaraang krimen.
Matindi na talaga ang mga kawatan dahil nakukuha nilang gamitin ang mga kabataan
sa masamang gawain.
Wala silang sinasayang na oras na kahit estudyante pa lang ay nagagawa nilang kumbinsihin para pumasok sa mga ilegal na transaksyon kapalit ng ilang halaga ng pera.
Kaya sa mga magulang, kailangan sigurong bantayan natin ang ating mga anak. Iyon bang alamin man lang natin kung saan sila nagpupunta, sino ang kanilang madalas na kasama at kung pumapasok talaga sila sa eskwelahan. Simpleng pagtatanong kung anong oras sila uuwi at iba pang mga magagandang bilin para sa kanila. Kumbaga, kausapin natin sila ng puso sa puso. Sa ganitong paraan, hindi sila agad mapapaniwala o magtitiwala sa iba habang mailalayo pa natin sila sa masasamang-loob. Isipin nating tayo ang talagang may responsibilidad sa kanila.
Sa mga kabataan, pag-isipan munang mabuti ang mga papasukin bago magdesisyon. Huwag sanang kayong magpagamit sa mga ilegal na gawain dahil walang dudang ito ang sisira sa inyo. Alalahanin sana na dapat tahakin ang tamang landas upang makamit ang magandang kinabukasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários