Mga magsasaka nagbabala: Maaaring wasakin ng mga panukala ng WHO ang kabuhayan
- BULGAR
- 5 minutes ago
- 3 min read
ni Chit Luna @News | November 13, 2025

Photo File
Bilang paghahanda sa nalalapit na World Health Organization (WHO) Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) 11th Conference of the Parties, nagbabala ang mga Pilipinong magsasaka ng tabako tungkol sa mga panukalang nakasaad sa Expert Group Report na maaaring banta o tuluyang puksain ang kanilang kabuhayan at ang mga komunidad na umaasa rito.
Sa ilalim ng Agenda Item 4.1, inirerekomenda ng ulat ang ilang matinding hakbang tulad ng pagtigil ng suporta ng gobyerno sa pagtatanim ng tabako, pagbawas sa kita ng mga supplier ng tabako, paghinto sa komersyal na bentahan ng mga produkto ng industriya, at pagpataw ng manufacturing at import quotas na may regular na pagbabawas.
Kinakatawan ng Philippine Tobacco Growers Association Inc. (PTGA) ang 50,000 magsasaka sa buong bansa, ngunit sinasabi ng National Tobacco Administration na ang sektor ng tabako ay sumusuporta sa higit 2.1 milyong manggagawang Pilipino.
Ani PTGA President Saturnino Distor, “The extreme measures proposed in Agenda Item 4.1 are a direct threat to our livelihoods. If implemented, they will not only destroy farms but also devastate entire communities.”
Dagdag niya, malaki ang kontribusyon ng sektor sa ekonomiya sa pamamagitan ng trabaho, export, at excise taxes, at dapat timbangin ng mga delegado ng COP ang mga fiscal at sosyal na implikasyon bago magpatupad ng mahigpit na polisiya.
Binanggit din ni Distor ang Sustainable Tobacco Enhancement Program (STEP) ng Department of Agriculture, na nagtataguyod ng sustainable na pagtatanim ng tabako at nag-uugnay sa lokal na produksyon sa lumalaking demand para sa alternatibong nicotine products tulad ng vapes at e-cigarettes.
Binigyang-diin niya na ang layunin ng STEP na tiyakin ang pangmatagalang seguridad sa kabuhayan ng mga magsasaka. “Makikita sa STEP na may kinabukasan pa rin ang pagtatanim ng tabako sa bansa, lalo na kung makikilala ang mga produktong alternatibong mas ligtas,” ayon sa kanyang pahayag noong 2024.
Labis na nag-aalala ang grupo ng mga magsasaka na inuuna ng Agenda Item 4.1 ang pagbabawal kaysa sa praktikal na solusyon, hindi isinasaalang-alang ang aral mula sa mga bansang tulad ng United Kingdom, Japan, at Sweden, kung saan nakatulong ang regulated na pagpapakilala ng smoke-free alternatives sa pagbawas ng smoking rates.
Ani Distor, bumababa ang demand para sa lokal na tabako sa Pilipinas, kung saan 80 porsyento ng bentahan ay napupunta sa export market. Nahihirapan din ang mga magsasaka laban sa pagpasok ng murang ilegal na sigarilyo, na ayon sa kanila ay pinalalala ng taunang pagtaas ng buwis sa legal na produkto, na lumilikha ng malaking pagkakaiba sa presyo.
Sasali sa COP ngayong taon ang mga delegado mula sa 183 bansa. Nag-aalala ang mga magsasaka na maaaring mauwi sa pagkawala ng kanilang pangunahing kabuhayan ang talakayan.
“We urge the COP delegates to reject policies that kill livelihoods,” ani Distor. “Any future tobacco control policy must strike a balance between public health and the economic realities of millions of farmers and workers whose lives depend on this industry.”
Gayunpaman, nakatanggap ng kritisismo ang WHO FCTC mula sa ilang eksperto sa kalusugan dahil sa pagbibigay-diin sa mahigpit at prohibitionistang polisiya laban sa mga produktong ito.
Nanawagan din ang THR advocates sa WHO na kilalanin na ang pagbawas ng smoking rate ay tumigil na sa kabila ng dekada ng mga polisiya sa kontrol ng tabako.
Hinimok nila ang WHO na isama ang harm reduction sa polisiya at magbigay ng alternatibo sa mahigit 1.3 bilyong smokers sa buong mundo upang mabawasan ang panganib sa kalusugan.




