top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Mga kawatan, walang pilipiling oras, maging mapagbantay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 3, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 3, 2024



Boses by Ryan Sison


Hindi dapat basta ibinibigay kahit kaninuman ang buo nating tiwala dahil anumang oras ay maaaring gamitin ito laban sa atin. 


Sa isang exclusive subdivision sa Parañaque City, nilooban ng anim na lalaki ang isang bahay.  


Natangay ng mga lalaki ang halos P1 milyong cash at mga alahas na nagkakahalaga ng P400,000. 


Ayon kay PMaj. Hazel Asilo, spokesperson ng Southern Police District (SPD), may kapitbahay na tumawag sa 911 at sinabing may nangyayari umanong robbery incident sa nabanggit na bahay. Diin ni Asilo na kung hindi pa tumawag ang kapitbahay na may commotion ay hindi nila malalaman na may nakawan nang nagaganap sa loob ng tirahan na iyon.  


Batay sa record ng SPD, hindi ito ang unang beses na nanakawan ang isa sa mga biktimang Chinese, kung saan P30 milyon ang nalimas sa kanya sa Binondo, Maynila, nito lamang August.


Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na magkakilala ang mga magnanakaw at ang driver ng mga negosyanteng Chinese, habang kasabwat umano ang ilang trabahador ng mga biktima. 


Sinabi naman ni Asilo na ang tatlong naaresto ng mga otoridad ay tauhan ng mga negosyante, kabilang ang lalaking nakita sa CCTV na nagbukas ng gate. 


Patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya para sa ikadarakip ng anim na armadong lalaki.


Matindi talaga ang modus ng mga masasamang-loob dahil wala na silang pinipiling oras at tila hindi na rin umiiral ang kanilang konsensya.


Paulit-ulit na pagnanakaw, panghoholdap, na parang ginagawa na nilang hanapbuhay ito, na mambiktima ng mga natatakot na magreklamo at mga walang kalaban-laban. 


Dapat sigurong suyurin ng mga otoridad ang mga kawatan na ito, hulihin at ikulong. Pero sana, mas mabigat na parusa ang ipataw sa kanila para magtanda at hindi na ulitin pa ang krimen, dahil kung minsan sa halip na magbago ay lalong lumala at ang masaklap pa nagre-recruit na ng mga kasama sa mga panloloko.


Kaya sa kinauukulan, mag-isip sana ng mga tamang paraan para masawata na ang mga kriminal na talagang nagkalat at buhay na buhay sila sa ating komunidad. Dapat silang lipulin dahil sa maraming silang nagiging biktima. 


Paalala sana sa ating mga kababayan na huwag tayong agad magtitiwala, lalo na roon sa mga nagbabait-baitan lang sa atin o iyong mga mukhang anghel pero sa loob pala ay utak ‘lucifer’. 


Posible kasing nagkukunwaring mamamasukan o trabahador at kapag nakuha na ang tiwala ay saka naman sasalakay at gagawin ang masamang balak. Kailangang maging wais sa lahat ng oras, kilalanin munang mabuti ang isang tao, alamin ang pagkatao nito, at kung hindi naman mahirap para sa atin ay magtanong ng record sa mga barangay o otoridad hinggil sa pagkakakilanlan nito bago pa tuluyang tanggapin o papasukin sa ating tahanan, nang sa ganoon ay hindi naman tayo maloko.


Kumbaga, maging mapagbantay at maingat tayo dahil maraming kawatan ang handang magnakaw, mamerhuwisyo at gumawa ng masama sa atin. 


Alalahanin sana natin na nasa atin din nakasalalay ang ikabubuti at ikagaganda ng ating buhay, at hindi natin puwedeng isisi sa iba ang anumang desisyong mali na ating nagawa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page