top of page

Mga kawani ng gobyerno na tumulong sa foreign detainee, panagutin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 10 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 27, 2026



Boses by Ryan Sison


Hindi na dapat ikagulat ng taumbayan ang pagkakaroon ng bulok na sistema sa ilang ahensya ng pamahalaan. Sa kabila ng patuloy na panawagan para sa malinis at makatarungang serbisyo-publiko, muling nabigyang-diin ang kahalagahan ng pananagutan matapos tiyakin ng Bureau of Immigration (BI) ang paghahain ng kaso laban sa mga tauhan nitong mapapatunayang ilegal na tumulong sa mga foreign detainees.


Ayon sa BI, walang sasantuhin sa imbestigasyon at ang sinumang mapatunayang sangkot ay mahaharap sa mabibigat na parusa. Ito ay kasunod ng pagkakatanggal sa tatlong empleyado ng ahensya na iniugnay sa pagtulong sa isang kilalang Russian vlogger na kasalukuyang naka-detain sa bansa dahil sa panghaharass umano sa ilang Pilipino.


Lumutang ang pangalan ng mga tauhan matapos umanong aminin mismo ng dayuhang detainee na tinulungan siyang makagawa ng video content habang nasa loob ng piitan—isang malinaw na paglabag sa mga alituntunin at batas. Dahil dito, agad nagsagawa ng raid ang pamunuan ng BI sa kanilang mga pasilidad upang tiyakin na walang umiiral na “special treatment” at upang imbestigahan ang posibleng mas malawak na katiwalian sa loob ng ahensya.


Mahalaga ang mabilis na aksyon, hindi lamang upang disiplinahin ang mga pasaway, kundi upang ipakita na may pananagutan ang institusyon sa mga pagkukulang nito. Ito ay repleksyon ng kung paano pinangangalagaan ng estado ang dangal ng bansa at ang seguridad ng mamamayan. Kapag may dayuhang lumalabag sa batas at may lokal na tumutulong para sa pansariling interes, ang talo ay ang sambayanan—nasasapawan ang hustisya at nababahiran ang kredibilidad ng institusyon.


Sa ganitong mga pagkakataon, kailangang malinaw na pantay ang batas para sa lahat, Pilipino man o dayuhan. Mahalaga ang disiplina sa loob ng mga ahensya ng pamahalaan sapagkat kapag humina ang institusyon, humihina rin ang tiwala ng taumbayan.


Ang paninindigan ng BI ay dapat humantong sa konkretong resulta—tuluyang pagpaparusa sa mga may sala at pagpapatupad ng mas mahigpit na patakaran. Ang tunay na reporma ay nasusukat sa araw-araw na pagpapatupad ng batas at mahigpit na pagsunod dito. Kapag pinili ng pamahalaan ang pananagutan kaysa sa pagiging balimbing, doon lamang mabubuo ang tiwala ng mamamayan sa kakayahan at paninindigan ng gobyerno.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page