Mga katangian ng Santo Papa: Maka-Diyos, makatao, makakalikasan
- BULGAR
- 1 day ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 4, 2025

Sunud-sunod ang pakiusap sa atin ng mga “foreign media” na magbahagi tungkol sa pagkakakilala natin kay Cardinal Luis Antonio “Chito” Tagle. Tumulong tayo sa pagbibigay ng maraming karanasan kasama ang Cardinal at ang aming ibang kaeskwela noong kami ay mga batang-batang seminarista noon pang dekada 70, mahigit nang 50 taon na ang nakararaan.
At laging kasunod na tanong ay: “Sa tingin ninyo bagay ba siya na maging kahalili ng yumaong Papa Francisco?”
Madaling sagutin ang unang tanong tungkol sa pinagsamahan namin ng kilala at popular na Cardinal subalit ibang usapan ang talakayin ang susunod na Santo Papa. Bakit?
Dahil ang pagpili sa susunod na pope ay malayo sa karaniwang pagpili tulad ng pagpili ng kandidato sa nalalapit na halalan.
Noong misa natin nitong nakaraang Huwebes, Pista ni San Jose, Manggagawa, binanggit natin ang mga kakaibang katangian ni Papa Francisco o Lolo Kiko sa ating lahat.
Una, siya ay maka-Diyos. Hindi naman maka-Diyos tulad ng karaniwang pakahulugan dito ng mga kandidato. Para sa maraming kandidatong tumatakbo sa eleksyon, tatlo ang ibig sabihin ng maka-Diyos: nakikita sa simbahan; nagdo-donate sa simbahan at malapit sa mga opisyal ng simbahan tulad ng cardinal, obispo at pari. Malinaw na malinaw na hindi ito maka-Diyos.
Maka-Diyos ang tao kung malinis ang kanyang kalooban. Siya ay totoo at walang pagkukunwari. Malinis at hayag ang kanyang motibo. Hindi siya nanlilinlang, nambobola at nanggagamit. Kung tunay siyang maka-Diyos, tutulong siya sa kapwa Pilipino na walang inaasahang kapalit. At ganito si Papa Kiko.
Pangalawa, siya ay makatao. Bukas at nauunawaan niya ang puso ng tao lalung-lalo na ang mga biktima ng karahasan, hindi makatarungan at sakim na mundo. Kaya’t makikita ang pope sa kanyang walang sawang pakikitungo sa mga biktima ng giyera, kalamidad at sa laganap na kultura ng salapi na umiiral sa buong mundo mula sa mayayamang bansa hanggang sa maliliit at mahihirap na bansa. Ngunit, iba kung pera hindi tao ang mahalaga. Ang dangal ng tao ay nasusukat hindi sa kanyang likas na kahalagahan kundi sa mababaw na panukat ng pera.
Pangatlo, siya ay makakalikasan. Malinaw din na si Papa Kiko ay ang pope na malapit kay Inang Kalikasan. Mahal niya at pinagmamalasakitan niya ang kalikasan na bumubuhay at nagpapasigla sa lahat. Ito ang nasasaad sa kanyang sinulat noong 2015, ang kanyang liham pastoral na “Laudato Si.” Dito rin niya tinuligsa ang mundong walang pagmamahal at pagtatanggol sa kalikasan na ginawa nang isang “paninda” o bagay na pagkakaperahan. Nakapaloob dito ang polusyon, pagkasira ng mga bundok, sakahan, kagubatan sampu ng mga dagat, lawa, ilog, sapa at anumang tubigan; ang pagdumi at pagsasalaula ng hangin sampu ng pagkain, tanim at hayop na ginagamitan at pinakakain ng kimiko o mga artipisyal na pestesidyo at pagkain na lumalason sa tao at sa lahat.
At napakahalaga ang pagka-makamahirap ni Papa Kiko. Noong panahon na siya ay magiging pope na, nilapitan siya ng Cardinal ng Brazil na si Cardinal Humes at ibinulong sa kanyang tainga, “Jorge, huwag mong kakalimutan ang mga mahihirap.” Ito ang dahilan ng kanyang pagpili sa pangalang Francisco bilang pakikiisa niya sa Santong Patron ng mga mahihirap na si San Francisco ng Assisi.
Mahalagang balikan ang mga katangian ni Papa Francisco sa usapin ng susunod na Santo Papa. Hindi sapat na popular ang kandidato tulad ng pulitika sa ating bansa.
Mahalaga na ang candidates na pope ay may tunay at wagas na kaugnayan sa lahat, lalo’t higit ay pinakamahalagang pakitunguhan ang isang papa na hindi lang namumuno sa mga Katoliko kundi kinikilalang isa sa mga mahalagang lider ng buong mundo.
Patuloy na aalingawngaw ang tinig ni Papa Francisco sa usapin ng kalagayan ng mga mahihina at vulnerable sa kasalukuyang mundo na nasa bingid ng giyera. Dadagundong din ang kanyang tinig sa patuloy na pagwasak ng mga korporasyon sa kalikasan, at ang mababaw at walang pakialam na pananaw ng marami tungo sa kalikasan.
“Huwag ninyong patuloy na sirain at patayin ang kalikasan dahil ito ang ating iisang tahanan, ‘Our Common Home’.”
Tunay ngang angkop ang pagpili niya ng pangalang Francisco dahil palagi siyang maaalala bilang ‘Papa ng mga Dukha’.
Saan man siyang magtungo, lagi niyang hinahanap ang mga mahihirap. Maski na sa Batikano, kilala siya ng mga dukhang nakatira sa paligid ng kanyang tirahan dahil sa walang sawa niyang pagkalinga at pakikiramay sa kanilang kalagayan.
Ang tatlong katangian ng pagiging malapit sa tao, kalikasan at mahihirap ay higit pa niyang pinalalakas at pinalalalim dahil sa kanyang taimtim na relasyon sa Diyos na kanyang pinakikinggan at kinukunan ng liwanag at lakas sa bawat sandali.
Sinuman ang susunod na Santo Papa ay kinakailangang pag-aralan nang maigi at tularan ang halimbawa ng dakila at banal, at mahal nating Lolo Kiko. Amen.
Comments