Mga kaso ng tuberculosis sa buong mundo, mas dumami
- BULGAR
- Nov 1, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Nov. 1, 2024

Nakakabahala ang mga report hinggil sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng tuberculosis sa buong mundo.
Batay sa datos ng Global Tuberculosis Report 2024 ng World Health Organization (WHO) umaabot na sa 8.2 milyon ang bagong TB cases, kung saan ito na ang pinakamataas mula noong 1995.
Kahit na bumaba ang bilang ng mga namamatay sanhi ng tuberculosis mula sa 1.32 milyon noong 2022 ito ay naging 1.25 milyon lamang noong 2023. Pero, ang bilang naman ng mga nahawaan ng naturang sakit ay tumaas mula sa dating 7.5 milyon ay
naging 8.2 milyon.
Gayunman, hindi lahat ng mga bagong kaso ay nasuri ng WHO, at naniniwala sila na umabot sa humigit-kumulang 10.8 milyong katao ang nagkasakit ng TB sa buong mundo noong nakaraang taon, kung saan mga bata at young adolescents o kabataan ang bumubuo sa 12 porsyento ng mga kaso nito.
Nananatili naman ang Pilipinas sa limang nangungunang mga bansa na umabot sa mahigit kalahati ng mga kaso ng tuberculosis worldwide.
Ayon sa WHO, ang limang bansa na bumubuo ng 56% ng global TB burden ay ang India (26 porsyento), Indonesia (10 porsyento), China (6.8 porsyento), Pilipinas (6.8 porsyento) at Pakistan (6.3 porsyento).
Kaya naman nanawagan na si WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus sa mga bansa na mas paigtingin ang laban kontra sa tuberculosis.
Talagang alarming ang mga naitatalang kaso ng TB, dahil nagawa nitong muli na nangungunang nakakahawang sakit na pumapatay, na lumagpas pa sa COVID-19 mula 2020 hanggang 2022.
Kaya dapat nating alagaan nang husto ang ating pangangatawan, umiwas sa mga bisyo para hindi tayo madaling mahawaan ng naturang sakit.
Sa mga kababayan na tinamaan na ng tuberculosis, may mga paraan at gamutan na ibinibigay ang mga health center at mga ospital.
Hindi rin naman nagkukulang ang Department of Health (DOH) sa mga paalala na kung nakakaramdam ng mga sintomas ng sakit ay magpakonsulta agad sa mga doktor.
Lagi natin sanang alalahanin na mahirap magkasakit kaya mabuting pagtuunang mabuti ang ating kalusugan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios