top of page

Mga karapatan ng “prisoners of war”

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 24, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sa gitna ng kaguluhang nangyayari sa ilang bahagi ng mundo ngayon, mahalagang maunawaan ng lahat na kahit sa isang kaguluhan o digmaan ay may mga alituntuning dapat sundin at mga karapatang dapat na igalang. Sa linggong ito ay tatalakayin at ipapaabot ng inyong lingkod ang mga alituntunin at karapatan ng mga taong nasasangkot sa digmaan. Ang mga alituntunin at karapatan na ito ay nakapaloob sa “Geneva Convention relative to the Treatment of Prisoners of War” (Geneva Convention). 


Sino nga ba ang mga tinagurian at kinikilala bilang mga prisoners of war (POW)? Ang mga POW, ayon sa Geneva Convention, ay ang mga taong kabilang sa mga sumusunod na kategorya na nasasakop sa kapangyarihan ng kalabang bansa, katulad ng:


  1. Miyembro ng hukbong sandatahan (armed forces) ng isang partido sa digmaan, maging ang mga miyembro ng militias o mga boluntaryong kabahagi ng mga armadong pwersa ng isang bansa;

  2. Miyembro ng ibang militias o volunteer corps, kasama ang mga organisadong resistance movements, na kabahagi ng isang partido sa isang labanan, at nagpapakilos ng hukbo, sa loob man o labas ng kanilang teritoryo, kahit na ang kanilang teritoryo ay okupado, kung ang mga sumusunod na kondisyon ay matutupad:

    1. Silang mga pinamumunuhan ng isang taong responsible sa kanyang nasasakupan;

    2. Silang mga mayroong permanenteng pansariling pagkakilanlan na makikilala kahit sa malayuan;

    3. Silang mga lantarang nagdadala ng armas; at

    4. Silang mga gumagawa ng kanilang operasyon alinsunod sa batas at kustumbre o kaugalian ukol sa digmaan;


  1. Miyembro ng regular na hukbong sandatahan na nagpapahayag ng kanyang katapatan sa gobyerno o awtoridad na hindi kinikilala ng detaining power;

  2. Silang mga sumasama sa mga hukbong sandatahan ngunit hindi aktuwal na miyembro nito, katulad ng mga sibilyan na miyembro ng military aircraft crews, war correspondents (media), supply contractors, at labor units na responsable para sa kalagayan ng hukbong sandatahan, sa kundisyong nakatanggap sila ng awtorisasyon mula sa hukbong kanilang sinamahan na magbibigay sa kanila ng kaukulang pagkakakilanlan;

  3. Miyembro ng tripulante, kasama ang master, piloto at apprentice ng merchant marine at tripulante ng civil aircraft ng mga partido na kasama sa labanan na hindi tumatanggap ng benepisyo sa ilalim ng International Law;

  4. Ang mga naninirahan sa isang lugar, na sa paglapit ng kalaban ay biglaang naghimagsik at lumaban, kahit hindi sila nagkaroon ng oras para bumuo ng kanilang regular na hukbo, upang pigilan ang mga hukbong nananakop, kung sila ay lalaban nang harapan, at rerespetuhin nila ang mga batas at alituntunin ng digmaan.


Ang mga POWs ay nasa kamay o kustodiya ng mga kalabang makapangyarihan at hindi ng mga indibidwal o sundalo na nakahuli sa kanila. Kahit ano pa man ang indibidwal na tungkulin ng mga nakahuli sa mga nasabing POWs, ang Detaining Power ang magiging responsable para sa magandang pagtrato sa kanila. Ang isang POW ay maaari lamang ilipat ng Detaining Power sa ibang may kapangyarihan na partido sa Geneva Convention matapos na matiyak ang pagsang-ayon at abilidad ng huli na ipatupad ang Geneva Convention. Kapag ang POW ay nalipat sa ganoong sirkumstansya, ang responsibilidad para sa pagpapatupad ng Geneva Convention ay malilipat din sa tumanggap sa POW. Kung hindi maipatupad ang mga probisyon ng Geneva Convention, sa alinman sa mga importanteng aspeto nito, matapos maabisuhan ng isang pumuprotektang kapangyarihan (Protecting Power), ang may hawak sa POW ay nararapat na gumawa ng mga hakbangin para maitama ang sitwasyon o kaya ay humiling na maibalik ang POW. Ang nasabing hiling ay kinakailangang mapagbigyan.


Ang isang POW ay marapat na palagiang tratuhin nang makatao. Anumang gawain ng Detaining Power na labag sa batas at magiging sanhi ng pagkamatay o magdudulot ng panganib sa kalusugan ng POW na nasa kustodiya nito ay ipinagbabawal at itinuturing na paglabag ng Geneva Convention. Walang POW ang maaaring pagdanasin ng pisikal na pagputol (mutilation), o medikal o siyentipikong eksperimentasyon kung ito ay hindi parte ng medikal, dental o ospital na panggagamot sa nasabing POW. 


Ang mga POWs ay dapat na maprotektahan laban sa pananakot o anumang marahas na pagtrato at pang-iinsulto sa lahat ng oras. Sa lahat ng pagkakataon ang isang POW ay dapat na mabigyan ng respeto at karangalan. Ang mga babaeng bihag ay marapat na matrato na may pagsasaalang-alang sa kanilang kasarian at sa lahat ng oras ay makinabang katulad ng sa magandang pagtrato sa mga kalalakihan. Lahat ng POWs ay kinakailangang mabigyan ng magandang pagtrato ng Detaining Power ayon sa mga probisyon ng Geneva Convention nang walang salungat na pagtatangi base sa lahi, nasyonalidad, paniniwalang panrelihiyon, at pulitikal na paniniwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page