Mga karapatan ng mga may kondisyon sa mental health
- BULGAR

- Sep 21
- 5 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 21, 2025

Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 11036 na may pinaikling titulo na “Mental Health Act,” pinagtibay ng Estado ang pangunahing karapatan ng lahat ng mga Pilipino sa kalusugan ng isip, gayundin ang mga pangunahing karapatan ng mga taong nangangailangan ng kalusugan ng isip.
Pangako ng Estado sa naturang batas ang pagtataguyod ng kagalingan ng mga tao sa pamamagitan ng pagtiyak na: ang kalusugan ng isip ay pinahahalagahan, itinataguyod, at pinoprotektahan; ang mga kondisyon sa kalusugan ng isip ay ginagamot at pinipigilan; magagamit ng publiko ang napapanahon, abot-kaya, mataas na kalidad, at naaangkop sa kultura na pangangalaga sa kalusugan ng isip; ang mga serbisyo sa kalusugang pangkaisipan ay malaya mula sa pamimilit at may pananagutan sa mga gumagamit ng serbisyo (service users); at magagawang gamitin (o sumailalim) ng mga taong apektado ng mga kondisyong may kaugnayan sa kalusugang pangkaisipan ang buong saklaw ng mga karapatang pantao at ganap na lumahok sa lipunan at sa trabaho, malaya sa pangungutya at diskriminasyon.
Nakasaad din sa naturang batas na ang Estado ay dapat na mahigpit na sumunod sa mga obligasyon nito sa ilalim ng United Nations Declaration of Human Rights, Convention on the Rights of Persons with Disabilities, at lahat ng iba pang nauugnay na internasyonal at rehiyonal na mga kumbensyon at deklarasyon ng karapatang pantao.
Ang aplikasyon ng Republic Act (R.A.) No. 7277 ("Magna Carta for Disabled Persons") sa taong may mga kondisyon sa kalusugan ng isip, gaya ng tinukoy rito, ay hayagang kinikilala rin.
Ang taong gumagamit (o sumasailalim sa) ng psychiatric, neurologic at psychosocial health services ay tinagurian sa batas na ito bilang isang service user. Ang mga karapatan ng isang service user o ng mga may kondisyon sa kalusugan ng isip ay ang mga sumusunod:
Kalayaan mula sa panlipunang pang-ekonomiya, at pampulitikang diskriminasyon at stigma, ginawa man ng pampubliko o pribadong aktor;
Gamitin ang lahat ng kanilang likas na karapatang sibil, pampulitika, pang-ekonomiya, panlipunan, panrelihiyon, pang-edukasyon, at pangkultura ayon sa mga indibidwal na katangian, kakayahan, at pagkakaiba-iba ng pinagmulan, nang walang diskriminasyon batay sa pisikal na kapansanan, edad, kasarian, oryentasyong sekswal, lahi, kulay, wika, relihiyon, nasyonalidad, etniko, o pinagmulang panlipunan;
Mabigyan ng access na magamot ayon sa evidence-based treatment na may parehong pamantayan at kalidad, anuman ang edad, kasarian, socioeconomic status, lahi, ethnic o oryentasyong sekswal;
Mabigyan ng access sa abot-kayang mahahalagang serbisyong pangkalusugan at panlipunan upang makamit ang pinakamataas na pamantayan ng kalusugang pangkaisipan;
Mabigyan ng access sa mental health services sa lahat ng antas ng national health care system;
Mabigyan ng access sa komprehensibo at pinagsama-samang uri ng panggagamot. Nakapaloob na rito ang holistic prevention and promotion, rehabilitasyon, at pangangalaga at suporta, na may layuning tugunan ang pangangailangan sa mental health care ng isang indibidwal sa pamamagitan ng isang multidisciplinary at user-driven treatment at recovery plan;
Mabigyan ng access sa psychosocial na pangangalaga at klinikal na panggagamot sa isang least restrictive environment at pamamaraan;
Mabigyan ng makataong pagtrato na malaya sa solitary confinement, torture, at iba pang mga uri ng malupit, hindi makatao, nakapipinsala, o nakakababang pagtrato at mga invasive procedures na hindi sinusuportahan ng siyentipikong ebidensya;
Mabigyan ng access sa aftercare at rehabilitasyon kung ito ay posible sa komunidad, para sa layunin ng panlipunang reintegrasyon;
Mabigyan ng access sa sapat na impormasyon ukol sa mayroong multidisciplinary health services;
Makilahok sa mental health advocacy, pagpaplano ng patakaran, batas, probisyon ng serbisyo, pagsubaybay, pananaliksik, at pagsusuri;
Ang pagiging confidential ng lahat ng impormasyon, komunikasyon, at mga tala, sa anumang anyo ng pagtatago, patungkol sa service user, anumang aspeto ng kalusugan ng isip ng service user, o anumang paggamot o pangangalaga na natanggap nito. Anumang impormasyon, komunikasyon, at tala ay hindi dapat ibunyag sa sinumang ikatlong partido nang walang nakasulat na pahintulot ng service user o legal na kinatawan nito, maliban sa mga sumusunod:
Ang pagsisiwalat ay kinakailangan ng batas o alinsunod sa isang kautusang inilabas ng korte na may karampatang hurisdiksyon;
Ang service user ay nagpahayag ng pahintulot sa pagbubunyag;
Umiiral ang isang emergency na nagbabanta sa buhay at ang nasabing pagsisiwalat ay kinakailangan upang maiwasan ang pinsala sa service user o ibang mga tao;
Ang service user ay isang menor-de-edad at ang attending mental health professional ay makatwirang naniniwala na ang nasabing service user ay biktima ng pang-aabuso sa bata; o
Kinakailangan ang pagsisiwalat sa kundisyon na may kasong administratibo, sibil, o kriminal laban sa isang mental health professional ethics, hanggang sa kinakailangang lawak upang ganap na mahatulan, o malutas ang anumang isyu o kontrobersyang kasangkot dito;
Magbigay ng kanyang informed consent bago tumanggap ng paggamot o pangangalaga, kabilang na ang karapatang bawiin ang naturang pahintulot. Ang nasabing pahintulot ay dapat itala sa klinikal na talaan ng service user;
Makilahok sa pagbuo at pagbabalangkas ng psychosocial care o clinical treatment plan na ipatutupad;
Magtalaga o humirang ng isang taong nasa legal na edad upang kumilos bilang kanyang legal na kinatawan alinsunod sa batas na ito, maliban sa mga kaso ng impairment or loss of decision-making policy;
Magpadala o tumanggap ng hindi censored na pribadong komunikasyon sa pamamagitan ng liham, telepono, o elektronikong paraan, at tumanggap ng mga bisita sa mga makatwirang oras, kabilang ang legal na kinatawan nito at mga kinatawan mula sa Komisyon sa Mga Karapatang Pantao;
Makakuha ng serbisyong legal mula sa isang mahusay na abogado na pinili ng service user at kung sakaling walang kakayahang magbayad ng abogado ang service user, ang Public Attorney’s Office (PAO) o isang legal aid institution na pinili ng service user o ng kinatawan nito, ang magbibigay ng tulong legal sa nasabing service user;
Mabigyan ng access sa kanilang mga klinikal na rekord maliban kung, sa opinyon ng medical health professional, ang paglalahad ng naturang impormasyon ay magdudulot ng pinsala sa kalusugan ng service user o maglalagay sa panganib ng kaligtasan ng iba. Kapag ipinagkait ang anumang ganoong mga klinikal na rekord, ang service user o ang kanyang legal na kinatawan ay maaaring dumulog sa Internal Review Board na nilikha alinsunod sa batas na awtorisadong mag-imbestiga at magresolba ng mga hindi pagkakaunawaan, o sa Komisyon sa Mga Karapatang Pantao;
Mabigyan ng impormasyon, sa loob ng 24 na oras mula nang ang service user ay ipinasok sa mental health facility, ng mga karapatang binanggit dito, sa isang anyo at wika na naiintindihan ng service user; at
Ang service user o ang kanyang kinatawan ay may karapatang maghain sa naaangkop na ahensya, ng kanyang reklamo ng mga pang-aabuso sa mental health care at paglabag sa mga karapatan ng service user, at maghangad na magsimula ng naaangkop na imbestigasyon at aksyon laban sa mga nag-awtorisa sa hindi ligal o labag sa batas na sapilitang paggagamot o pagkukulong, at iba pang mga paglabag.








Comments