Mga kandidato, ‘wag nang mangampanya sa mga sementeryo
- BULGAR

- Oct 20, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 20, 2024

Ngayong papalapit na ang Undas marami na ang naghahanda, kabilang na rito ang mga aspirante sa eleksyon, sa pagdalaw sa mga puntod ng mga mahal na pamilya at kamag-anak.
Kaya naman pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga kandidato sa 2025 national at local elections na iwasang mangampanya sa mga sementeryo ngayong All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Sinabi ni MMDA chairperson Romando Artes sa isang presscon na sa halip na mag-advertise o mangampanya ay tumulong sa kaayusan ng lugar lalung-lalo na sa mga sementeryo, at gawing makatulong sa paglilinis.
Aniya, nasa pagpapasya na ito ng mga kandidato kung susundin na sa tingin niya sa panahon ng social media, lalo na kapag nakikita ng mga tao na nangangampanya lang sila ay siguradong maba-bash sila, at maaaring mag-backfire rin ito sa kanila.
Patungkol naman sa mga pulitikong may bitbit na mga banner at streamer, kung pinahihintulutan ang mga ito sa entrance ng mga sementeryo, ayon sa MMDA chief, nasa kanila na rin ito basta’t sumusunod sila sa ordinansa na ipinatutupad ng mga kinauukulang local government units (LGUs).
Pahayag din ni Artes na kung gusto ng mga kandidato na magtayo ng tent, mamigay ng tubig sa mga kababayan ay nasa kanilang pagpapasya. Iginiit niyang hindi nila pagbabawalan ang mga ito, hangga’t hindi nakakaabala o nakakasagabal sa trapik, sa galaw ng mga tao at ng mga sasakyan.
Matatandaang sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ang campaign period para sa senatorial candidates at partylist groups ay itinakda mula February 11 hanggang March 10, 2025.
Habang ang campaign period naman para sa mga kandidato sa House of Representatives at parliamentary, provincial, city, at municipal posts ay mula March 28 hanggang May 10, 2025, at ang election day ay nakatakda sa May 12, 2025.
Mainam na rin sigurong palagpasin na muna ng mga kababayan nating kandidato ang pangangampanya sa mga araw ng Undas.
Gawin na lang nating mataimtim ang pag-alaala sa mga yumao nating pamilya habang tayo ay nasa mga sementeryo, kung saan pagdaraos din naman ito ng mga reunion ng mga magkakamag-anak.
Kumbaga, hindi ito ang tamang oras at lugar para pag-usapan ang pulitika, bagkus ito ay pagbibigay natin ng panahon sa mga minamahal nating ama, ina, kapatid at iba pa na namatay na.
Siguro naman hindi kawalan ng boto para sa mga kandidato ang dalawa o tatlong araw na pahingang ito sa pangangampanya?
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments