top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

Mga kandidato sa 2022, ilalahad ang plano para sa MSMES sa ‘Kandidatalks’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 19, 2021
  • 3 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | November 19, 2021



Hello, Bulgarians! Paano planong tulungan ng mga kandidato para sa nasyonal na posisyon sa 2022 ang micro, small and medium enterprises ng bansa?


Ito ang layong sagutin ng “Kandidatalks” sa serye ng mga palabas kung saan tampok ang mga kandidato para sa mga pambansang puwesto sa darating na halalan sa 2022.


Nakatakda ang premiere ngayong Nobyembre 19, inaasahang na ang “Kandidatalks” ay makakakuha ng pinakamaraming manonood sa Go Nego Show ng Go Negosyo, na nakakuha ng halos mahigit kalahating milyon na kabuuang views sa tatlong beses kada linggo nitong palabas.


Isang proyekto ng Go Negosyo bilang espesyal na serye sa Go Nego Show na ipinalalabas nang live sa Facebook, tututok ang “Kandidatalks” kung ano ang naghihintay sa MSMEs sa darating na 2022 elections.


Gagawing magaan at masaya nina “Kandidatalks” hosts Betong Sumaya at Love Añover usapan habang kinikilala ng mga manonood ang mga kandidato sa personal na antas.


Dadalo rin si Go Negosyo Lead Adviser Josephine Romero bilang moderator ng talakayan, pati na si Presidential Adviser for Entrepreneurship and Go Negosyo founder Joey Concepcion.


Inaasahang itataas ng “Kandidatalks” ang antas ng talakayan tungkol sa 2022 elections, at idinisenyo ito para hikayatin ang publiko na makinig sa mga plataporma ng mga pambansang kandidato, lalo na tungkol sa kanilang plano kung paano tutulungan ang mga entrepreneurs.


Dagdag pa rito, magpapamigay ang show ng P2 milyon sa kabuuan ng “Kandidatalks” series upang tulungan ang masusuwerteng manonood na magtatag o magpalaki ng kanilang negosyo.


Ang serye ay gagawin kasabay ng ika-16 anibesaryo ng Go Negosyo ngayong Nobyembre.


“Napakaraming MSMEs sa bansa at malaki ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya. Nais nating malaman ang mga plano ng mga national candidate para tulungan ang ating entrepreneurs,” wika ni Concepcion.


Idinagdag pa niya na maraming isyung kinahaharap ang entrepreneur ng bansa. Pangunahin dito ay kung paano sila makababangon mula sa COVID pandemic dahil marami sa kanila ang baon sa utang at maraming empleyado na umaasa sa kanila. Ang papel ng kababaihan, na bumubuo sa malaking bahagi ng entrepreneur ng bansa ay magiging bahagi rin ng talakayan.


“Mahalaga ang liderato para maalis ang Pilipinas mula sa pandemya at patungo sa landas ng pagbangon at pag-unlad,” ani Concepcion.


Inaasahang dadalo ang mga kandidato para sa pangulo, pangalawang pangulo at mga senador sa “Kandidatalks”. Ang premiere ng show ay gagawin ngayong Nobyembre 19, alas-6: 00 ng gabi, at marami pang show ang ipalalabas sa pamamagitan ng streaming ngayong Disyembre.


Ang mga kandidato mismo ang namili kung kailan nila gustong humarap sa “Kandidatalks”. Si Ernesto Abella ang panauhin sa unang broadcast ngayong Nobyembre 19, na susundan ni Vice-President Leni Robredo sa Nov. 22, Sen. Manny Pacquiao sa Nov. 24, Ka Leody de Guzman sa Nov. 26, at dating Sen. Bongbong Marcos sa December 1.


Nakatakda ring humarap sina Sen. Ping Lacson (Dec. 20), Sen. Christopher “Bong” Go, at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa “Kandidatalks”, pati na ang mga vice-presidential candidates na sina dating Manila Mayor Lito Atienza sa Dec. 3, dating Davao City Mayor Sarah Duterte Carpio, Sen. Francis Pangilinan, Sen Vicente Sotto, at Dr. Willie Ong.


Para makapanood ng “Kandidatalks”, i-like lang ang Go Negosyo page sa Facebook, at panoorin ang Facebook Live streaming ng “Kandidatalks”, mamaya, Nobyembre 19, alas-6:00 ng gabi.


Ilalagay din sa Go Negosyo Facebook page ang update para sa iba pang schedule.



Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page