top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mga kabalbalang ginagawa ng Chinese Coast Guard sa mga Pinoy sa WPS, dapat lang na kondenahin

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 14, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 14, 2023


Noon pa man ay matagal na tayong naninindigan laban sa banta sa ating soberanya ngunit ngayon hindi lang ako dahil buong Senado na ang naghihimutok hinggil sa naganap na umano’y pagbomba ng water cannons ng Chinese Coast Guard (CCG) ships laban sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa sarili nating teritoryo.


Dahil dito, tahasang kinokondena ng buong bansa ang China Coast Guard dahil sa ginawa nitong napakadelikadong pagmaniobra at ilegal na paggamit ng water cannons laban sa PCG vessel.


Ang PCG vessels ay nagsilbing escort sa ating barko na may kargang supply para sa ating military troops na nasa Ayungin Shoal na mas kilala sa tawag na Second Tomas Shoal sa Spratly Islands.


Ang masaklap, kinabukasan araw ng Linggo, ang China pa ang nag-akusa sa PCG ng trespassing umano sa kanilang teritoryo na lumikha ng iba’t ibang opinyon at labis na ikinagalit ng ating mga kababayan.


Ang South China Sea ay matagal nang pinagmumulan ng tensyon sa pagitan ng Manila at Beijing dahil inaangkin ng Beijing ang halos 1.3 milyong square mile ng South China Sea kabilang na ang lahat ng island na nasasakupan nito.


Pero tayo, tinatawag natin itong West Philippine Sea. Noong 1991 ay pinamugaran na ito ng ating navy transport ship, maging ang BRP Sierra Madre sa Second Thomas Shoal ay binabantayan na ng Philippine Marines upang walang makaangkin sa naturang lugar.


Mula noon, ang Philippine Maritime Authorities ay pumapalag na laban sa mga Chinese vessels dahil sa paulit-ulit na pangha-harass sa mga kababayan nating mangingisda sa nabanggit na lugar.


Sa kabila ng ating pagtatanggol sa ating teritoryo, palagi pa ring nakikita ang mga Chinese vessels na minsan ay mahigit sa 10 barko ang nakahambalang, na kung hindi pa sisitahin ng ating pamahalaan ay hindi pa magsisialis.


Maraming insidente na rin na harap-harapan na tayong kinakaya sa mga pinagtatalunan nating waterway ngunit nanatili pa rin tayo sa ating posisyon na hindi natin bibitiwan ang ating nasasakupan.


Kamakailan lamang, bumuo ang Office of the Solicitor General ng ‘special team’ upang pag-aralan na ang posibleng legal na hakbang hinggil sa patuloy na pagtanggi ng China na kilalanin ang ruling ng International Arbitration Court noong 2016.


Inilabas ang hakbanging ito, dalawang araw matapos ang mismong araw na itinakda ng Pilipinas ang ika-pitong taon simula ng ang Permanent Court of Arbitration (PCA) ng The Hague na nagpasya pabor sa Manila laban sa Beijing hinggil sa maritime dispute sa South China Sea.


Hindi ba’t nakipagkita na rin si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kay Chinese leader Xi Jinping at nagkasundo silang palakasin ang ating economic ties at ituloy na rin ang pag-uusap sa oil exploration sa kabila ng namumuong tensyon.


Ngayon heto at may panibagong kabalbalan na namang ginawa ang mga Chinese Coast Guard at nainsulto ang marami nating kababayan, at nagpapasalamat tayo dahil maging ang ating Senate President Juan Miguel Zubiri ay hindi rin nakatiis at tahasang kinokondena na ang buong pangyayari.


Mariing sinabi ni Sen. Zubiri na hindi natin kaibigan ang China dahil sa patuloy nilang ginagawa sa atin at nasundan pa ito ng mga pagkondena ng kapwa ko senador na napahayag na rin ng galit laban sa pangyayari.


Kaya buong-buo ang ating pasasalamat na ang ating una nang paninindigan laban sa ginagawa ng China Coast Guard, partikular sa mga maliliit na mangingisda at ang pinakahuli ay ang pagbomba ng water cannons, ay umani na ng simpatya at marami na kami ngayon.


Ang mga kuha sa ginawa nila laban sa mismo nating teritoryo ay isa na namang halimbawa ng mga banta laban sa ating seguridad, kaligtasan at soberanya.

Nakababahala na matapos lamang ang nagkakaisang adbokasiya at pagtindig ng Senado bilang isa sa mga haligi ng kalayaan at kasarinlan ng ating bansa nitong nakaraang linggo, heto at para bang panunuya ang naganap na pagkanyon ng tubig sa ating mga kababayan.


Tila nga po itinakda ng tadhana ang ginawang pag-awit ng mga kabataang katutubo sa ating pambansang awit. Hindi ko mapigilang mangilabot dahil isa itong paalala kung para kanino ba natin ginagawa ang makailang ulit na pagtindig laban sa mga banta sa ating soberanya.


Ang ating mga kabataan ang magmamana ng kung anumang iiwanan natin. Let us make sure we leave them with a Philippines free from aggression and oppression. Iwan natin sa kanila ang isang Pilipinas na hindi pagagapi kailanman at kanino man.


Ang mga anak ng perlas ng silanganan ang nanindigan upang taas-noo nating maiwagayway ang ating bandila, at sila ang ating huwaran upang ang alab sa ating mga puso ay hindi magmaliw kailanman.


Ang Pilipinas na duyan ng magiting ay palaging handang salagin ang anumang talim ng kalasag.


Hindi noon, at lalong hindi ngayon tayo yuyuko at pasisiil sa mga manlulupig.

Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page