top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Mga illegal Pinoy sa US, ‘wag hayaang ma-deport sa third world countries

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 31, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 31, 2025



Boses by Ryan Sison

Makatarungan ba na ang mga Pilipinong dine-deport mula Amerika ay dalhin pa sa ibang bansa at hindi agad maiuwi sa sariling bayan? 


Nais linawin ng Philippine Embassy sa Washington D.C., kasunod ng mga ulat na ilang Pilipinong undocumented migrants sa Estados Unidos ay ipinatapon umano sa mga third world countries gaya ng El Salvador, imbes na direktang ibalik sa Pilipinas. 


Sa isang panayam, mariing iginiit ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ang paninindigan ng pamahalaan na anuman ang estado, pagkakasala, o kalagayan ng isang Pilipino, siya ay may buong karapatang makabalik sa sariling bansa. 


Ayon kay Romualdez may deportasyon patungo sa mga bansang tulad ng Libya at El Salvador, na may mga ulat na ang ilang deportees ay ikinukulong muna umano sa mga maximum security prison bago iuwi. 


Binigyang-diin ng Philippine ambassador na hindi katanggap-tanggap sa Pilipinas ang ganitong sistema, at itinuturing itong laban sa dignidad ng mga Pilipinong naapektuhan. 


Tinukoy din niya ang mas pinaigting na immigration policies sa ilalim ng administrasyong Trump, kabilang ang mga kasunduang nagpapahintulot sa deportasyon ng mga migrante sa iba’t ibang bansa gaya ng Panama. 


Sinabi pa ng opisyal na tinatayang nasa 100 hanggang 300 Pinoy na ang na-deport ngayong taon dahil sa iba’t ibang kadahilanan gaya ng illegal stay o pagkakasangkot sa krimen. Gayunpaman, patuloy ang pagtulong ng embahada sa mga Pilipinong may suliranin sa immigration. 


Hinikayat naman ni Romualdez ang mga kababayan sa Amerika na lumapit sa mga lisensyado at mapagkakatiwalaang immigration lawyers — marami sa kanila’y Filipino-American at nagbibigay ng abot-kayang serbisyo, na minsan pa nga’y libre. May nakahandang assistance desks din ang gobyerno sa iba’t ibang opisina nito sa US upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga migranteng Pilipino. 


Subalit inamin niyang may limitasyon din ang tulong na kayang ibigay, lalo’t kailangang isaalang-alang ang ugnayan sa host country. 


Marahil, ang usapin ng repatriation ay higit pa sa legalidad — ito ay usapin ng pagkatao, pagkalinga, at katarungan. Ang pagtanggi sa third-country deportation ay hindi lamang praktikal na hakbang kundi simbolo ng malasakit ng gobyerno sa kanyang mamamayan, kahit pa sila’y nagkamali o napadpad sa maling landas. 


Sa panahon ng tumitinding anti-immigration sentiments sa buong mundo, kailangang palakasin hindi lamang ang tulong sa mga na-deport kundi pati na rin ang preventive assistance — ang pagbibigay ng tamang impormasyon, legal aid, at moral support upang ‘wag nang umabot pa sa deportasyon ang mga kababayan natin.


Sa huli, hindi dapat na hayaang ipatapon sila sa ibang bansa bagkus agarang pabalikin na lang sila sa ‘Pinas.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page