Mga ebidensya, ilalabas — SP Alan... Majority bloc, tinatakot ng Marcos admin
- BULGAR

- 42 minutes ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | May 31, 2026

Photo: Senate PH
Inakusahan ni Senate President Alan Peter Cayetano na tinatakot umano ang ilang miyembro ng Senate majority ng administrasyong Marcos upang mapilitan silang lumipat sa minority at makabuo ng panibagong liderato sa Senado.
Ayon sa live stream post ni Cayetano nitong Biyernes, ilalabas ng mga senador ang ebidensya ng umano’y pananakot upang mapigilan ang pagbuo ng isang “independent Senate”.
Ani Cayetano, may mga alegasyon umano na pinipilit ang ilang mambabatas na lumipat ng grupo kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso, habang ang mga hindi lilipat ay kakasuhan.
“Wala kaming problema kung sa korte ay patunayan na sila ay guilty o hindi. Ang problema po namin 'yung gagamitin 'yung threat na 'pag lumipat ka dito, wala ka nang kaso. ‘Pag d'yan ka, tutuluyan ka namin," diin ni Cayetano.
"In the next few days, option po ng mga senador na maglabas ng ebidensya ng pananakot para hindi namin mabuo 'yung independent na Senate," wika pa ni Cayetano.
Sa gitna ng mga isyu sa Senado, ilang miyembro ng majority bloc ang nahaharap sa mga kasong kriminal.
Kabilang dito si Sen. Jinggoy Estrada na kinasuhan ng plunder at graft kaugnay ng umano’y P573 milyong anomalya sa insertions at kickbacks. Nakapagpiyansa siya ng P90,000 para sa kasong graft.
Ayon sa Office of the Ombudsman, susunod na kakasuhan si acting majority leader Joel Villanueva sa korte, habang may mga reklamong plunder din na kinakaharap sina Sen. Francis Escudero at Rodante Marcoleta.
Mariing itinanggi ng mga senador ang mga nabanggit na paratang.





Comments