Mga dating speaker, malamang kinakabog na rin sa isyu ng ‘maleta’

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 1, 2026

HINDI MAN AMININ, MALAMANG KAKABA-KABA NA ANG IBANG NAGING SPEAKER KASI BAKA MAY LUMUTANG NA NAMAN AT ISANGKOT DIN SILA SA MALE-MALETANG MAY PERA — Naglitawan noon ang 18 dating mga bodyguard ni former Cong. Zaldy Co at isinangkot si former Speaker Martin Romualdez sa pagtanggap ng male-maletang may pera, at pagkaraan niyan ay lumutang naman si ex-Pat. Rodulfo Gracioso na bodyguard ni former Speaker Lord Allan Velasco at idinawit ito (Velasco) sa pagpapadala ng maletang may pera kay Vice President Sara Duterte.
‘Ika nga, hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang iba pang naging dating House Speaker, tulad nina Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, Pampanga 2nd District Rep. Gloria Arroyo at former Taguig City Rep., at ngayo'y Sen. Alan Cayetano, kasi baka may lumutang na naman at isangkot din sila sa pagtanggap at pamimigay ng male-maletang may pera, boom!
XXX
IMBES DAGDAGAN ANG BUDGET SA COLLEGE EDUCATION, ANG GINAWA NG MGA TAO NI PBBM SA DBM KINATAY PA! — Kinontra ni Sen. Bam Aquino, chairman ng Senate on Basic Education ang ginawang "pagkatay" ng Department of Budget and Management (DBM) ng higit P9 billion sa budget ng Commission on Higher Education (CHEd) para sa year 2027 na aniya ay makakaapekto ito sa may 900,000 estudyante sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa buong bansa.
Grabe naman itong mga tao ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., (PBBM) sa DBM kasi imbes dagdagan pa ang budget para sa mga mag-aaral sa mga SUCs, eh mantakin n'yong binawasan o kinatay pa, mga pwe!
XXX
PATULOY NA LUMALAKAS ANG PANAWAGAN LABAN SA POLITICAL DYNASTY NA NAGPAHIRAP SA ‘PINAS SA NAKALIPAS NA 39-TAON —- Patuloy na lumalakas ang panawagang gumawa na ng makatotohanang batas ang Senado at Kamara patungkol sa anti-political dynasty, kasi matapos atasan ng Supreme Court (SC) ang mga senador at kongresista na magpasa na ng batas kontra political dynasty at suportahan ito ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ay inilunsad ni retired Senior Justice Antonio Carpio ang “Dapat Isa Lang Movement” na humihikayat sa mamamayan na lumagda sa isang manipesto sa social media para iparating sa mga mambabatas na ang dapat nilang gawing panukalang-batas ay isa lang sa kada angkan ang puwedeng kumandidato sa tuwing may halalan sa bansa.
Dapat hindi tumigil ang mamamayan sa pagkalampag laban sa political dynasty na 39-taon ng namamayagpag sa Pilipinas, dapat na itong matuldukan kasi nga sa totoo lang, itong mga “Kamag-Anak Inc.” sa gobyerno ang kabilang sa dahilan kung kaya't poor ang Philippines, period!
XXX
SA PHILIPPINES, UBOD NA NANG TAAS NG PRESYO NG PAGKAIN, TAPOS MAS PATATAASIN PA ANG PRESYO — Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na posible raw na mas tumaas pa ang presyo ng mga produktong pagkain dahil daw sa pagtaas ng presyo ng krudo at paghina ng piso kontra dolyar.
Ngayon lang yata nangyari ang ganyan sa ‘Pinas, na ubod na nang taas presyo ng mga pagkain, tapos mas patataasin pa, tsk !





Comments