top of page

Mga convicted Pinoy na nabigyan ng royal clemency, mas dumami sana

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 31
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 31, 2025



Boses by Ryan Sison


Wala na sigurong higit na magpapaligaya sa mga pamilya ng mga Pilipino na na-convict abroad kundi ang mapalaya ang mga ito ng gobyerno ng mga naturang bansa. 


Isa ang gobyerno ng United Arab Emirates (UAE) na pinagkalooban ng royal clemency ang 115 Pinoy na convicted sa iba’t ibang offense o pagkakasala sa kanilang bansa sa gitna ng banal na buwan ng Ramadan at ang nalalapit na Eid Al-Fitr, ayon sa Philippine Embassy sa UAE.


Pinasalamatan ng embahada ang gobyerno ng UAE sa pamumuno ng Presidente nito, His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, Vice President at Prime Minister Sheikh Mohammed bin Rashid Al Maktoum, sa ginawang paggawad ng royal clemency sa mga nasabing Pinoy.


Ayon sa embahada, ang aksyon na ito ng pagkabukas-palad at pakikiramay ay nagpapakita lamang ng tunay na diwa ng awa sa panahon ng sagradong okasyon o obserbasyon ng Ramadan at ang values o halaga ng pagkakaisa at ang tinatawag na goodwill. 


Itinuturing din itong daan at pinalakas na hakbang para sa mas malalim at matibay na

ugnayan ng Pilipinas at ng UAE.


Binibigyang halaga rin ng emhabada ang humanitarian principles na ito ng UAE at ang patuloy na suporta sa mga Pilipino na kasalukuyang nasa kanilang bansa. 

Sinabi naman ng embahada at ng Philippine Consulate na nananatiling silang ganap na committed o nakatuon sa pagtiyak sa kapakanan ng mga Pilipino sa Gulf state. 


Anila pa, nakahanda rin silang magbigay ng kinakailangang tulong upang mapadali ang ligtas at mabilis na pagbabalik ng mga napagkalooban ng naturang clemency.


Kaugnay nito, may humigit-kumulang 700,000 Pilipino na naninirahan sa UAE na karamihan ay nasa Dubai, batay na rin sa pinakabagong data estimates.


Dapat talaga nating ipagpasalamat ang ginawang kabutihan ng gobyerno ng UAE para sa ating mga kababayang na-convict dahil sa kanilang paglabag sa batas ng naturang bansa.


Sa halip na parusahan ay pinatawad ang kanilang kasalanan at malaya na ring makakauwi sa ating bansa upang makasama ang kani-kanilang pamilya.


Sana sa kanilang pag-uwi ay agad silang tulungan, mabigyan ng financial assistance at higit sa lahat ng pagkakakitaan ng ating gobyerno. Hindi sila puwedeng pabayaan na lamang bagkus dapat silang tulungan.  


Maaaring ang iba sa kanila ay matagal na nawalay sa kanilang mahal sa buhay at nawawalan na rin ng pag-asa, kaya marapat na ibigay natin sa kanila ang buong suporta upang maramdaman pa rin nila na sa kabila ng matinding hirap, sakripisyo abroad ay mayroong naghihintay na maganda bukas dito sa ating bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page