Mga cong. na sangkot sa flood scam, walang 'K' na maging tagausig vs. VP Sara
- BULGAR

- 8 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 11, 2026

MGA CONG. NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL AT MEMBER NG HOUSE PROSECUTOR PANEL, DAPAT MAG-INHIBIT SA IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA — Binatikos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang Marcos administration kasi ni-isa raw sa mga kongresistang sangkot sa flood control scandal ay wala pang naipapakulong, na ayon sa alkalde ay 'yung iba pa nga raw na mga cong. na sabit sa flood control projects scam ay kasama pa sa House prosecutions panel sa impeachment ni Vice Pres. Sara Duterte.
Kaya kung sinuman 'yung tinutukoy ni Mayor Magalong na kongresistang sangkot sa flood control scandal na kasama sa House prosecution panel. Kung may delicadeza pang natitira ang mga ito sa kanilang mga sarili, ay dapat mag-inhibit bilang tagausig sa impeachment ni VP Sara, boom!
XXX
DAHIL LABIS NAAPEKTUHAN ANG CORDILLERA REGION SA 'HABAGAT,' KAYA'T DAPAT PURSIGIHIN NA NG OMBUDSMAN ANG PAG-IIMBESTIGA SA UMANO'Y ANOMALYA NINA CONG. ERIC YAP, CONG. EDWIN GARDIOLA AT FORMER CONG. ZALDY CO SA PROYEKTO NILANG P50B LANDSLIDE SLOPE SA REHIYONG ITO — Isa ang Cordillera region sa labis naapektuhan ng walang humpay na buhos ng ulan dulot ng "Habagat," sa rehiyong, hindi lang flash flood, kundi may muds flood din na rumagasa sa mga tahanan at kalsada, maraming ari-arian ang nawasak at may 11 katao pang nasugatan sa trahedyang ito.
Dahil d'yan ay mas dapat pagtuunan ngayon ng pansin ni Ombudsman Boying Remulla ang pag-iimbestiga sa ibinulgar noon ni Task Force Kasanag convenor John Chiong na ginawan ng umano'y anomalya nina Benguet, former ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap, CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola at former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, ang proyekto nilang P50 billion landslide slope protection system sa Cordillera region, at kapag napatunayang may katiwalian dito, sampahan agad ng kasong plunder ang tatlong kongresistang iyan para sama-sama silang makulong sa city jail, period!
XXX
DAMAY NA SI SEN. PIA CAYETANO SA BANGAYANG SEN. PING LACSON AT SEN. ALAN CAYETANO — Nadamay na si Sen. Pia Cayetano sa bangayang Sen. Ping Lacson at Sen. Alan Cayetano.
Ibinulgar kasi ni Sen. Lacson na base sa nakuha niyang mga dokumento, noong 2025 national budget ay may P4.7 billion insertion si Sen. Pia at P6.7 billion naman daw ang insertion ni Sen. Alan.
Kung totoo 'yang ibinulgar ni Sen. Lacson, aba'y dapat imbestigahan ito ng Office of the Ombudsman kung saan napunta 'yang insertions ng magkapatid na Cayetano kasi kapag pinagsama ang total n'yan, aba'y P11.4 billion 'yan, at pera 'yan ng bayan kaya't dapat malaman ng publiko kung 'yang halaga na 'yan ay nagastos sa tama, boom!
XXX
DAHIL ANG NATIONAL AT LOCAL ELECTIONS AY NATATAPAT SA SUMMER SEASON, HUWAG KALIMUTAN NG MAMAMAYAN ANG MGA IBABASURA NILANG MGA SEN. AT CONG. NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL — Ang national at local elections sa Pilipinas ay idinaraos tuwing Mayo, at ang buwan na 'yan ay summer season, na ibig sabihin, walang ulan at walang baha.
Ang nais nating ipunto rito ay huwag sanang makalimot ang mga kababayan na nabibiktima ng baha kapag panahon ng tag-ulan, na dapat itanim na ng mamamayan sa kanilang isipan ang mga senador at kongresistang sangkot sa flood control scandal, na dapat sa mga ito i-zero vote sa halalan, period!





Comments