top of page
Alex Eala at Sandro Marcos - FB.jpg

Mga cong. na sangkot sa flood scam, malamang kabado na sa pagpasok ng 2 bagyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 5
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 5, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


WALA SANANG KINAKAHARAP NA PROBLEMA AT IMPEACHMENT SI VP SARA KUNG HINDI SIYA HUMINGI NG CONFI FUNDS – Kinumpirma ni Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) State Auditor Roderick Wamil na mula nang mapasok siya sa COA, si Vice President Sara Duterte lamang ang nagkaroon ng confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepED) noong siya pa ang kalihim ng naturang departamento.


Ayon kay State Auditor Wamil, wala siyang na-audit na confidential funds nina dating Vice President Jejomar Binay at dating Vice President Leni Robredo, gayundin nina dating DepEd Secretary Armin Luistro at dating DepEd Secretary Leonor Briones, dahil walang confidential funds na ini-audit ang COA sa kanilang mga tanggapan mula 2010 hanggang 2022.


Kung hindi sana humingi si VP Sara ng confidential funds para sa OVP at DepED, marahil ay wala siyang kinakaharap na problemang tulad nito at hindi siya haharap sa impeachment trial. Tsk!


XXX


GOOD NA PAGKASUNDUIN SINA SEN. LACSON AT SEN. ALAN CAYETANO, PERO BAD NA ITIGIL ANG IMBESTIGASYON SA 'GHOST PROJECTS' SA TAGUIG — Ilang senador daw ang gumagawa ng paraan upang pagkasunduin ang nagbabangayang sina Sen. Ping Lacson at Sen. Alan Cayetano para hindi na matuloy ang imbestigasyon sa mga "ghost projects" sa Taguig City.


Kung mapagkakasundo sina Sen. Lacson at Sen. Alan Cayetano, good 'yan para matigil na ang kanilang bangayan. Pero kung ititigil din ang imbestigasyon sa mga "ghost projects" sa Taguig City, bad 'yan, dahil dapat malaman ng taumbayan kung saan-saang lugar sa lungsod may mga ganitong proyekto. Pera ng bayan ang sangkot diyan. Period!


XXX


2 BAGYO PAPASOK SA ‘PINAS KAYA MALAMANG KABADO NA NAMAN ANG MGA CONG. NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM – Dalawang bagyo ang binabantayan ngayon ng PAGASA na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Hindi man aminin, malamang kinakabahan na naman ang mga kongresistang sangkot sa umano'y flood control projects scam. Kapag binaha na naman ang kanilang mga distrito, tiyak na batikos na naman ang aabutin nila mula sa mga kababayan nilang naapektuhan, dahil ang pondong inilaan sana para sa mga proyektong panlaban sa baha ay ibinulsa umano. Boom!


XXX


SINU-SINO KAYANG MGA SEN. AT CONG. ANG TATAMAAN SA 30 FLOOD CONTROL CASES NA ISASAMPA NG NBI SA DOJ? – Kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na may 30 pang kaso kaugnay ng mga flood control project ang isasampa nila sa Department of Justice (DOJ).


Sinu-sino kayang mga kurakot na senador at kongresista ang tatamaan ng mga kasong ito ng NBI? Abangan!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page