Mga cancer survivor bilang PWD, may “K” sa discount
- BULGAR

- 9 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 28, 2025

Dear Chief Acosta,
Ang tiyahin ko ay nagkaroon ng cancer sa kanyang katawan. Sumailalim siya sa mahaba at mabigat na gamutan para subukang pagalingin siya. Halos naubos ang ipon ng pamilya namin dahil sa mga gastusin sa pagpapagamot sa kanya. Nitong nakaraan, matapos ang mahabang gamutan ay ibinalita sa kanya ng doktor na diumano ay wala na ang cancer sa kanyang katawan. Lubos na nagalak ang pamilya namin sa balita na ito. Sa kabila nito ay may mga gamot pa siya na kailangan niyang patuloy na inumin at gamitin. Dahil dito ay gusto namin malaman kung maaari pa rin ba na makakuha ng mga benepisyo bilang person with disability (PWD) para sa diskwento siya sa mga kakailanganin niyang gamot? Malaking tulong kasi itong mga diskwento na ito para sa mga PWD para sa gastusin niya. Sana ay mapayuhan ninyo kami rito. Lubos kaming nagpapasalamat sa inyong payo!
-- Gamrot
Dear Gamrot,
Bilang sagot sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa Republic Act (R.A.) No. 11215, na kikilala bilang “National Integrated Cancer Control Act.” Ginawa ang batas na ito bilang bahagi ng polisiya ng Estado sa pagpapatibay ng komprehensibong pagtugon sa mga pangangailangang pangkalusugan para sa mga may cancer upang pag-igihin ang kanilang gamutan, lalo na para sa mga mahihirap at nangangailangan ng tulong. (Sec. 2, Art. I, R.A. No. 11215)
Sa ilalim ng batas na ito, ang mga may cancer, maging ang mga itinuturing na cancer survivors, ay hayagang kinikilala bilang mga person with disabilities (PWD) na binibigyan ng kaukulang karapatan at pribilehiyo. Kaugnay rito, sinasabi ng batas na:
“Section 25. Persons with Disabilities. – Cancer patients, persons living with cancer and cancer survivors are considered as persons with disabilities (PWDs) in accordance with Republic Act No. 7277, as amended, otherwise known as the 'Magna Carta for Disabled Persons’.“Section 26. Rights and Privileges. – The cancer patients, persons living with cancer and cancer survivors are accorded the same rights and privileges as PWDs and the DSWD shall ensure that their social welfare and benefits provided under Republic Act No. 7277, as amended, are granted to them. Further, the DOLE shall adopt programs which promote work and employment opportunities for able persons with cancer and cancer survivors.”
Mahalaga rin na malaman ang ibinibigay na kahulugan sa kung sino ang mga maaaring ituring na cancer survivor, alinsunod sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. No. 11215:
“Cancer survivors are those who have completed all of their anti-cancer therapy and presently show no signs of the disease – that is, in remission, and now must go on to face survival with both fear of recurrence or relapse and perhaps encumbered by the side effects and consequences of their therapies;” (Sec. 3(e), Rule 1, IRR ng R.A. No. 11215)
Nakasaad sa nasabing IRR ang detalye ng mga karapatan at pribilehiyo ng mga cancer patients at cancer survivors na itinuturing na PWD. Kaugnay nito, inaatasan ng batas ang National Council on Disability Affairs, kasama ang mga lokal na tanggapan ng social welfare development, na bigyan ng kaukulang disability card para sa pagkakakilanlan bilang PWD, ang mga cancer patients at cancer survivors, alinsunod sa RA 7277, na inamyendahan ng Republic Act No. 10754, o mas kilala bilang “An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability.” (Sec. 25, Rule VII, IRR ng R.A. No. 11215)
Dahil dito, maliwanag na maging ang mga cancer survivors ay itinuturing at kinikilala ng batas bilang PWD, na may karapatan pa rin na makakuha ng mga kaukulang diskwento at benepisyo na mahalaga para sa tuluyang pagpapagaling at pagpapabuti ng kanilang kalusugan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments