Mga benepisyo ng glycine sa mental at pisikal na kalusugan
- BULGAR

- 6 hours ago
- 3 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | February 16, 2026

Dear Doc Erwin,
Ako ay isang law student sa isang private university sa Cebu province. Dahil sa aming kalagayan sa buhay ay napilitan ako na magtrabaho ng part-time.
Ilang buwan na ang nakakaraan, nakaranas ako ng madalas na palpitation at hirap makatulog. Ayon sa doktor na aking kinonsulta, ito raw ay sintomas ng anxiety at nag-prescribe siya ng anti-anxiety medication.
Bagama’t nabawasan ang aking anxiety ay nakararanas ako ng madalas na pagkaantok, hilo, sakit ng ulo at madalas na pagkapagod. Dahil dito ay naapektuhan ang aking pag-aaral at pagtatrabaho. Epekto raw ito ng gamot na anti-anxiety na aking iniinom ayon sa aking doktor.
Nais ko sanang maitigil ang pag-inom ng gamot na anti-anxiety. Mayroon bang natural supplement na maaari kong inumin na makakatulong sa aking anxiety at nararamdaman na stress dahil sa trabaho at pag-aaral? Sana ay mabigyan ninyo ng pansin ang aking mga katanungan. — Jose Patrick
Maraming salamat Jose Patrick sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng BULGAR newspaper.
Napapanahon ang iyong katanungan. Malaking porsyento ng ating populasyon ang nakararanas ng stress at anxiety. Ayon sa isang pag-aaral na nailathala ngayong January 2026, tumataas ang anxiety disorders treatment market sa buong mundo. Aabot ito sa mahigit $12 billion sa taong 2025, at aakyat sa mahigit $17 billion sa 2035. Malaking bahagi ng market na ito ay ang mga anti-anxiety drugs at inaasahan na ito ang pinakamalaki at pinakamabilis na tataas sa mga susunod na panahon.
Katulad ng iyong doktor, naniniwala ako na ang mga naramdaman mo matapos uminom ng anti-anxiety medication ay mga side effects nito. Sa patnubay ng iyong doktor, maaaring bawasan ang dose ng iyong gamot, o itigil ito at palitan ng ibang gamot. Ugaliing kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa iyong mga iniinom na gamot.
Sa iyong katanungan tungkol sa natural supplement na makatutulong sa iyong anxiety at stress, may mga makabagong pag-aaral na tungkol dito.
Ang Glycine ay isang uri ng amino acid na karaniwang ginagamit ng ating katawan upang gumawa ng collagen na kailangan natin upang mapanatili ang skin at joint health. Tumutulong din ang Glycine sa muscle repair at maka-recover ang ating katawan mula sa exercise at physical activity.
Sa bagong mga pag-aaral ng mga scientists, may epekto din ang Glycine sa ating central nervous system. Dahil sa epekto ng Glycine sa mga brain NMDA receptors, nababawasan ang neuron excitability kaya’t nakatutulong ito upang tayo ay maging kalmado at relaxed. Ito rin ang nakakabawas ng anxiety. Napapababa din nito ang stress hormone na cortisol sa ating katawan upang mabawasan ang mga physical effects ng stress.
Effective rin ito upang tayo ay makatulog. Ang sapat na tulog ay kinakailangan upang mabawasan ang anxiety. Ang Glycine ay nakatutulong upang ihanda ang ating katawan sa pagtulog sa pamamagitan ng pagpapababa ng ating core body temperature. Nakaka-promote rin ang Glycine ng malalim at mahimbing na pagtulog.
Ang mga natural sources ng Glycine ay mga karne, isda, dairy at legumes. Maaari ding uminom ng Glycine supplements na mabibili sa mga health stores.
Ang recommended dose ng Glycine ay 3 to 5 grams na karaniwang iniinom sa gabi upang makatulong sa pag-relax, mapababa ang stress hormone at makatulog. Maaari ring uminom ng 1 to 2 grams na Glycine sa araw para sa anxiety.
Kumonsulta ka muli sa iyong doktor kung ninanais na uminom ng Glycine para sa iyong anxiety at bilang panlaban sa stress.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa'y ipagpatuloy ninyo ang pag aalaga sa inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com








Comments