top of page

Mga batas para sa health workers, guro, atleta, OFWs at vulnerable sector

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 17, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Patuloy ang aking hangarin na mailapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga pinakanangangailangan nito, lalo na sa mga kababayan nating mahihirap at walang ibang malalapitan kundi ang pamahalaan. Kaya naman bilang inyong senador at health reforms crusader, personal kong inihain sa Senado nitong ikalawang linggo mula nagbukas ang 20th Congress ang ikalawang batch ng 10 priority bills natin.


Ang mga panukalang ito ay nakatuon sa kapakanan ng health workers, guro, atleta, overseas Filipino workers, at mga miyembro ng vulnerable sector, tulad ng senior citizens, at mga biktima ng kalamidad.


Isinusulong natin ang panukalang Advanced Nursing Education Program na layong mabigyan ang ating mga nurse ng pagkakataong makapag-aral sa graduate-level education at specialized clinical training. Kung maisasabatas, hangad nating iangat ang kanilang kakayahan bilang ambag sa pagpapalakas ng ating healthcare system.


Para sa ating mga atleta, lalo na ang mga differently-abled, naghain tayo ng panukalang Expanded Benefits for Para-athletes. Kapag naging batas, mabibigyan ang ating national para-athletes ng pantay na insentibo tulad ng ibang atleta sa international competitions.


Inihain din natin ang Delayed Birth Registration Bill na hangad mapadali ang proseso ng late registration para sa mga Pilipinong hanggang ngayon ay hindi pa rehistrado. Ipaglalaban natin na maging batas ito para makatulong sa registration ng humigit-kumulang 3.7 milyong Pilipino na walang birth certificate.


Prayoridad din natin na maisabatas na ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), para matiyak na tuluy-tuloy ang medical assistance sa mga mahihirap at indigent patients sa lahat ng Department of Health (DOH) hospitals at specialty centers.


Isinusulong din natin ang panukalang monthly allowance para sa mga guro at non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan. Kung maging ganap na batas, dagdag pagkilala ito sa kanilang napakahalagang papel sa edukasyon at sa kinabukasan ng kabataan.


Nag-file din tayo ng panukalang pagtatatag sa Philippine Senior Citizens Hospital and Research Institute. Kung magiging batas, magkakaroon tayo ng isang specialized facility para sa kalusugan ng ating mga nakatatanda, kalakip ang research at training sa geriatric medicine.


Patuloy nating ipinaglalaban para maging batas ang Magna Carta for Barangay Health Workers Bill na layong mabigyan ng sapat na benepisyo at security of tenure ang ating modern-day heroes. Ang ating BHWs ay pangunahing katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.


Tuloy din ang pagsulong natin para maging batas ang Philippine National Games bill bilang grassroots sports platform para mahasa ang mga atletang Pilipino at mailayo ang kabataan sa bisyo.


Kung magiging batas naman ang isa pa nating priority bill, mai-institutionalize na ang OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga sa ilalim ng Department of Migrant Workers. Hangad natin na matiyak na may specialized care at 24/7 telehealth services para sa ating mga OFW at kanilang pamilya.


Para naman sa mga informal settler families at mga nawalan ng tirahan dahil sa sakuna, ipaglalaban natin ang Rental Housing Subsidy Bill. Kung maisasabatas, matutulungan natin silang magkaroon ng disenteng pansamantalang tirahan habang lumilipat sa formal housing market.


Sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas, patuloy nating isusulong ang mga batas at programa na maglalapit sa mga Pilipino ng mga serbisyo ng pamahalaan. Magtulungan tayo para matiyak na walang maiiwan sa pag-unlad, lalo na ang mga hopeless at helpless.


Samantala, naghain kami nina Senator Bato dela Rosa at Senator Robin Padilla ng resolusyon nitong July 14, para ipanawagan na isailalim sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nasa The Hague, Netherlands.


Matanda na si Tatay Digong at marami nang karamdaman. Nasa kultura nating mga Pilipino na hindi pinapabayaan ang mga matatanda. Ibigay sana natin kay Tatay Digong ang kaunting malasakit lalo na’t patuloy niyang pinagsisilbihan ang mga Pilipino na kanyang minamahal. Patuloy din nating ipagdasal ang kalusugan, kaligtasan, at kalayaan ni Tatay Digong.


Tuluy-tuloy naman tayo sa pag-iikot sa bansa upang malaman ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan. Noong July 11, binisita natin ang bagong tayong public market, tennis court, at multi-purpose building sa Alburquerque, Bohol.


Bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Finance, sinusuportahan ng inyong Senator Kuya Bong Go ang mga proyektong pangkaunlaran para sa mga komunidad.


Dumalo rin tayo sa 428th Foundation Day at 3th Suba Festival ng Loboc, Bohol kasama sina Mayor Raymond Jala at Councilor Efren Mandin.


Noong July 14, personal tayong namahagi ng dagdag na tulong para sa mga mahihirap na kababayan sa Santiago City, Isabela. Pagkatapos nito, nagtungo tayo sa Tabuk City,


Kalinga kung saan binisita natin ang Super Health Center doon at ang Malasakit Center sa Kalinga Provincial Hospital. Nagkaroon din tayo ng meet-and-greet kasama ang mga lider doon sa imbitasyon nina dating Mayor Chao-ig Malannag at dating Lubuagan Vice Mayor Jun Saclag.


Nagpapasalamat din tayo sa lokal na pamahalaan ng Tabuk City dahil kinilala tayo bilang adopted son ng lungsod. 


Isang malaking karangalan na ibinansag nila sa akin ang pangalang "Charutag," na ang ibig sabihin sa Kalinga dialect ay "with solicitude" o "with deep care and concern." Isa itong inspirasyon para ipagpatuloy ang ating layunin na serbisyo at malasakit para sa kapwa Pilipino.


Bukod pa rito, namahagi rin ng tulong ang aking opisina sa mga biktima ng sunog, kabilang na ang 65 sa Pasay City at 35 pa sa Parañaque City.


Nakiisa rin ang aking Malasakit Team sa turnover ng Super Health Center sa Siayan, Zamboanga del Norte; at sa European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) Healthcare Forum sa Makati Diamond Hotel kasama si Executive Director Florian Gottein.


Hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay n’yo sa akin para ipagpatuloy ang pagseserbisyo bilang inyong senador. Magtatrabaho ako para sa Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page