Mga anak ng biyudo, kailangang ilagay sa huling habilin o ampunin para makapagmana
- BULGAR
- 3 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 16, 2025

Dear Chief Acosta,
Nakapangasawa ang aking pinsang si Rubyrose ng isang biyudo na may dalawang anak mula sa kanyang pumanaw na unang asawa. Itinuring niya ang mga bata na kanyang stepchildren. Nais malaman ni Rubyrose kung maaari bang magmana ang kanyang mga stepchildren mula sa kanya kahit wala siyang huling habilin? – Joelyn
Dear Joelyn,
Kung ang iyong pinsan na si Rubyrose ay pumanaw nang walang testamento, patakaran ng intestate succession ang gagabay. Inilista ng Artikulo 887 ng Kodigo Sibil ang mga compulsory heirs na magmamana mula sa isang taong namatay. Kinabibilangan ito ng:
“Art. 887. The following are compulsory heirs:
(1) Legitimate children and descendants, with respect to their legitimate parents and ascendants;
(2) In default of the foregoing, legitimate parents and ascendants, with respect to their legitimate children and descendants;
(3) The widow or widower;
(4) Acknowledged natural children, and natural children by legal fiction;
(5) Other illegitimate children referred to in Article 287.”
Ang listahan ng mga compulsory heirs sa artikulong ito ay eksklusibo. Kaya, ang dalawang stepchildren ng iyong pinsan na si Rubyrose ay hindi magmamana sa kanya dahil hindi sila nabibilang sa listahan ng mga compulsory heirs.
Kung nais ng iyong pinsan na maging compulsory heirs niya ang kanyang mga stepchildren, kailangan niyang ampunin ang mga ito. Kaugnay nito, inamyendahan ng Republic Act No. 11642 o mas kilala bilang “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act” ang mga naunang batas tungkol sa pag-ampon. Nakasaad sa Seksyon 22 ng nasabing batas:
“Section 22. Who May Be Adopted. – The following may be adopted;
(a) The legitimate child of one spouse by the other spouse;”
Alinsunod sa nasabing batas, ang isang asawa ay hindi awtomatikong magiging legal na magulang ng mga anak ng kanyang kabiyak mula sa nauna nitong kasal. Kailangan pa rin ang pag-ampon para maituring na anak at maging compulsory heir ng pangalawang asawa ang mga bata mula sa unang kasal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




